Malaking pagsubok hindi lamang para sa mga mga-aaral kundi pati na rin sa mga guro ang ipinatupad na pagbabago sa sistema ng edukasyon ng bansa bunsod ng hindi pa rin natatapos na pandemya.
Dahil sa COVID-19, hindi muna makakapasok ang mga mag-aaral sa regular na paaralan kaya naman, upang maipagpatuloy pa rin ang pagbubukas ng klase habang nasa kanilang mga bahay ang mga estudyante, kailangang gumawa ng mga guro ng mga learning modules na ihahatid nila sa bawat mag-aaral.
Bukod sa problema sa mga gagamiting papel o bond paper sa paggawa ng mga module na ito, pahirapan din sa mga guro ang mga kakailanganing printer.
Ngunit, bukod pa sa mga ito ang haharaping pagsubok ng teacher na ito mula Tipolo Elementary School sa Barangay Tipolo, Kapatagan, Lanao del Norte sa loob ng buong taon.
Kamakailan lang ay naging viral ang gurong si Stanley Butalid dahil sa pagsisikap nito na maihatid ng maayos ang mga module sa kanyang mga mag-aaral. Sa isinagawang dry-run ng panibagong sistema na ito, dalawang oras lang naman ang nilakad ni teacher Stanley para makapaghatid ng mga learning modules sa kanyang mga estudyante.
Maliban dito, kinailangan pang tumawid ng teacher sa isang sapa kung saan, karga karga nito sa kanyang ulo ang mga module upang hindi ito mabasa. Sa dalawang oras niyang paglalakad, dadaan pa umano ang guro sa mga talahiban at sa bundok.
Sa darating na opisyal na pagbubukas ng klase sa Oktubre, plano umano ni teacher Stanley na manatili na lamang muna sa paaralan upang agad matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga estudyante.
Bukod kasi sa distansya na dapat niyang puntahan para makapaghatid ng module, isa rin umano sa mga pagsubok o problema na nakita ni teacher Stanley sa modular learning ay ang pagtuturo umano ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Ayon sa guro, hindi umano lahat ng mga magulang sa kanilang lugar ay nakatungtong sa pag-aaral kaya naman, pahirapan din sa mga ito ang pagtuturo sa kanilang mga anak.
Bukod pa umano ito sa mga panahong hindi matututukan ng mga magulang ang kanilang mga estudyanteng anak dahil sa kanilang mga trabaho sa bukid.
“Marami ang hindi nasagutan sa module dahil hindi rin alam ng magulang. Yung ibang magulang, no read no write, hindi matututukan ang pag-aaral ng mga bata dahil kailangan rin magtrabaho sa sakahan,” saad pa ni teacher Stanley.
Kaya naman, dagdag na naman ito sa mga gagawin nilang mga guro na kailangang matutukan ang lahat ng kanilang mga estudyante at mai-tutor ang mga ito sa kanilang mga tahanan. Upang kahit papaano ay may makatulong din umano sa kanila, humingi na umano ng tulong ang guro sa ilang mga nakakatanda sa lugar na nakapagtapos ng high school.
Ang lahat ng mga ito ay iilan lamang sa mga pagsubok na kakaharapin ng mga guro hindi pa man pormal na nagsisimula ang klase. Kaya naman, hiling umano ng mga guro, sana raw ay huwag maliitin ang kanilang trabaho ngayong mayroong pandemya dahil sinisikap umano nila na malampasan ang lahat ng mga pagsubok sa kanila, makapagturo lamang.
“Sana huwag isipin ng mga tao na hindi na kami maghihirap sa pagtuturo dahil inaasa sa mga magulang,” dagdag saad pa ni teacher Stanley.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment