Labis na nakakabilib ang ipinamalas na determinasyon at tiyaga ng isa nating kababayan na Aeta mula sa Tarlac matapos hindi nawalan ng pag-asa na makapasa sa Licensure Examination for Teacher (LET).
"Try and try until you succeed," tila ito ang naging palaging baon na kasabihan ng gurong si Gennie Victoria Panguelo matapos niyang maipasa ang LET sa ika-25 na beses.
Sa isang video na ini-upload ni Dr. Willie Ong at Dr. Lisa sa Facebook, ibinahagi nito ang kahanga-hangang ipinakitang pagsisikap ni teacher Panguelo.
Ayon sa kwento ni teacher Panguelo, natapos siya ng pag-aaral taong 1987 at agad siyang nagturo sa kapwa niya Aeta.
At sa mga panahong iyon ay hindi pa ganoon kahigpit ang gobyerno kung kaya naman pinapahintulutang magturo ang mga guro kahit hindi pa nila naipapasa ang LET.
Sa taong 1990, nagdesisyon na si Panguelo na kumuha ng Licensure Examination for Teacher (LET) exam, ngunit hindi pinalad si Panguelo.
At sa taong 2010, mas naging mahigpit na ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas para sa lisensya ng mga guro para makapagturo sa mga paaralan.
“Sinasabi nila matanda ka na, ‘di ka pa pumapasa. Ano ba ‘yan, maputi na ang buhok mo, ‘di ka pa rin nakapasa,” ani Teacher Gennie.
Sa kabila ng pangmamaliit at pang-iinsulto na kanyang naramdaman, hindi parin sumuko si teacher Panguelo, bagkus ay lalo pa itong nagpursigi upang makakuha ng lisensya para makapagturo.
Nito lamang taong 2016, sa ika-25 beses niyang pag-take ng LET exam, nakapasa na sa wakas si Teacher Gennie.
May mensahe naman si teacher Panguelo ang ibang nais maging isang lisensyadong guro na huwag mawalan ng pag-asa at lalo pang magsumikap upang makakuha ng LET.
“Sa mga kabataan na tulad kong naghangad na maging titulado, huwag po kayong manghinayang,” ang payo ng guro.
“Kapag bumagsak, bumangon ulit. Kasi hindi lang nakukuha sa isang pagkakataon, kailangan natin ng tunay sa loob, sinseridad, at pagtitiyaga,” dagdag pa niya.
Ngayon, patuloy na nagtuturo si Teacher Gennie sa mga batang Aeta sa Tarukan Elementary School sa Tarlac.
Sa kasalukuyan, nag-aaral din si Teacher Gennie para makuha naman niya ang kanyang doctoral degree.
Tunay ang determinasyon, pasensya at pagtitiyaga ang ipinakita ni Teacher Gennie sa kanyang kwento. Ito ay nagsilbing mensahe na rin sa lahat na huwag agad susuko sa pagkamit ng mga pangarap sa buhay.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment