Thursday, July 23, 2020

Nadine Lustre, Nagsalita na Tungkol sa Kinakaharap Ngayong Laban ng ABS-CBN


Sa pamamagitan ng Instagram Stories, nagbigay ng pahayag ang Kapamilya actress mula pa 2014 na si Nadine Lustre tungkol sa kinakaharap ngayon ng ABS-CBN.

Ayon kay Nadine, kagaya ng iba pa umanong mga empleyado ng network na apektado rin ng pagkabigo nito sa kanilang prangkisa ay nakikiisa umano ito sa kanilang ipinaglalaban.

Nito lamang Lunes, ika-20 Hulyo, sa tatlong magkakasunod na IG stories ay ipinahayag ni Nadine ang kanya umanong suporta bilang isang Kapamilya at kasama umano siya ng mga ito sa kanilang laban.

“Gaya ninyo, kapamilya din ako. Gaya ninyo, natatakot ako sa mga nangyayari. Gaya ninyo, nalungkot din ako para sa 11,000+ na taong nawalan ng trabaho. Gaya ninyo, umiiyak ako para sa sariling bansa. Dahil gaya ninyo, Pilipino din ako…


“Kasama ako sa laban na ito. Patuloy na tumutulong at nagdadasal sa kabila ng pagluluksa,” ani ni Nadine.

Dagdag pa ng aktres, sana raw ay huwag na silang maghati-hati at mag-away pa na pareho lang din naman daw ang ipinaglalaban. Saad pa nito,

“Sana ay ibaling natin ang atensyon natin sa mga bagay na nararapat pagtuunan ng pansin. Pakiusap, huwag tayong mag-away away at maghati. Wala na tayong oras.”

Marami naman ang mga natuwa sa ginawang pagsasalita na ito ni Nadine na inakala ng iba ay nagsasawalang bahala lamang. Natutuwa ang mga ito na malaman na nakikiisa rin ang aktres sa mga empleyado ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho at nasa kanila ang panig nito.

Ngunit, bago pa man magsalita ang aktres, isa ito sa mga artista mula sa ABS-CBN na nakatanggap ng mga batikos dahil umano sa kanilang pananahimik sa kabila ng pinagdadaanan ng kanilang network.


Ito ay matapos ang tahasan at direktang pahayag ni Angel Locsin tungkol sa umano’y pagkadismaya nito sa mga Kapamilya artist na mas pinipili raw manahimik kaugnay ng kanila ngayong ipinaglalaban.

Mula nang mabigo ang network sa pagre-renew ng kanilang prangkisa sa Kongreso, hindi na natigil pa ang araw-araw na protesta sa harap ng ABS-CBN compound sa Quezon City. Kung hindi man araw-araw ay madalas na pumupunta roon si Angel na sa maraming pagkakataon ay pinangungunahan pa ang protesta.

“Sa mga artistang hindi nagsasalita, may career pa ba kayo? Wala na! Wala na kayong network!

“Naiintindihan ko, tayong mga artista, expected na dapat tahimik lang tayo. Dapat sweet lang tayo, dapat neutral para walang kalaban… Pero pag hindi tayo nagsalita, ibig sabihin no’n, kinampihan natin ang mali…

“Kahit magpa-cute kayo diyan sa Instagram, mag-send kayo ng mga sad face… hindi niyo madadamayan ang mga katrabaho niyo na dahilan kung bakit kayo sumikat,” tahasan pang ani ni Angel.


Kaya naman, ayon sa ilan ay ito umano ang dahilan kaya ngayon ay naglabas na ng pahayag si Nadine at ang iba pa nitong kapwa artista ng Kapamilya na umano’y diretsahang pinapatamaan ni Angel.

Gayunpaman, giit ng iba lalo na ang mga tagasuporta ni Nadine, kahit na hindi pa umano magsalita ang aktres ay alam umano ng lahat ang pagsuporta nito sa ABS-CBN. Kilala umano nila ang paninindigan ni Nadine at kung paano ito sumusuporta sa ABS-CBN sa sarilli  nitong pamamaraan.

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment