Wednesday, July 29, 2020

Sikat na Komedyante, Pagbebenta ng Siomai ang Pinagkakaabalahan Matapos Magsara ng Klownz at Zirkoh



Isa sa mga komedyanteng pinakaapektado ng pagsasara ng mga comedy bars ni Allan K. ay ang komedyanteng si Ate Gay.

Sa 25 taon na pagiging sikat na komedyante at performer, aminado ang 48 taong gulang na si Ate Gay na malaki ang naging epekto sa kanya ng pagkawala ng Klownz at Zirkoh na siyang isa sa pangunahing pinagkukunan niya ng hanapbuhay.

“Sobrang lungkot ko kasi gabi-gabi akong nagtatrabaho. Wala akong day-off…

“Minsan nga gabi-gabi, dalawa, tatlong performance ko. Minsan galing pa ako sa isang raket, 'tapos magpe-perform pa ko ng 12 m.n. to 1:00 a.m. sa Zirkoh. Tapos 1 a.m. to 2 a.m. sa Klownz. Minsan every day iyon, biruin mo. Kaya ang hirap,” pagkukwento pa ni Ate Gay.


Kaya naman, upang maitawid ang pang-araw-araw at upang magamit niya rin ang kanyang galing at hilig sa pagluluto, pagbebenta ng siomai ang naisipan ng komedyante na kanyang bagong hanapbuhay.

Sa Tondo sa Maynila, nagtayo ng isang simpleng food stall si Ate Gay kung saan, maliban sa pagbebenta ng siomai ay makakabili rin dito ng pansit, noodle soup, fried rice.

Si Ate Gay, o Gil Morales sa totoong buhay, ay pinakasikat sa pagiging impersonator nito ng sikat na artistang si Nora Aunor na tinatawag namang Ate Guy. Isa naman sa mga pinakasikat na naging pelikula ni Ate Guy ay ang ‘Himala’ noong 1982.

Hango sa naturang pelikula, pinangalanan naman ni Ate Gay ang kanyang siomai food stall bilang ‘Siomai Himala’.



Nito lamang Lunes, ika-20 ng Hulyo nang tuluyang binuksan ni Ate Gay ang kanyang negosyo sa publiko. Maayos naman umano ang takbo nito mula nang sila’y magbukas.

Kadalasan, dahil likas na komedyante ay hindi rin maiwasan ni Ate Gay na magbigay ng kasiyahan sa kanyang mga customer na siya namang ikinatuwa ng mga ito. Madalas rin ay marami ang nagpapa-picture rito na isang malaking tulong umano para sa negosyo ni Ate Gay.

“Sold out naman po ang siomai ko kaya lang masakit sa balakang kakapagod .. siguro bagong mundo kaya sana kayanin ko araw-araw ... maraming salamat po sa inyo... bukas uli,” saad pa nga ng komedyante tungkol sa kanyang negosyo.

Ayon kay Ate Gay, bagama’t mahirap ay alam naman nitong kakayanin niya ang bagong trabaho at buhay na rin na mayroon siya ngayon. Payo pa nga nito para sa iba na kagaya niya ay apektado rin ng maraming mga pagbabago,


“Ang hirap-hirap ng buhay ngayon, pero ang mga Pinoy ang hilig-hilig sa pagkain. Ang mapapayo ko lang sa kanila ay aliwin natin ang ating sarili, aliwin natin sa pamamagitan ng kung anumang talento meron tayo.

“Kagaya niyan, ang talento ko ay ang pagluluto sa ngayon. Malay niyo po, e, mas magaling po kayong magluto.”

Para sa marami, isa ngang magandang halimbawa ang ipinakita ni Ate Gay na kahit sa gitna ng mga pagsubok ay nagpupursige pa rin at hindi natatakot na sumubok ng mga bagong bagay.


Isa lamang si Ate Gay sa marami pang mga personalidad na mas piniling sumubok ng ibang mga bagay na pagkakaabalahan kaysa maghintay na lamang at tumunganga.

Source: PEP

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment