Matapos maging viral sa social media ang kanilang nakakalungkot na kwento, agad bumuhos ang mga tulong mula sa iba’t-ibang mga indibidwal para sa 85 taong gulang na si Lolo Mario at kay Kim na siyang kumukupkop sa matanda.
Bago pa magkaroon ng pandemya, si Kim na ang kumukupkop, nag-aalaga, at bumubuhay kay Lolo Mario kahit hindi naman sila magkaano-ano.
Ngunit, dahil sa pandemya, nawalan ng pagkakakitaan si Kim kaya hindi umano sila nakabayad ng renta sa kanilang tinutuluyan. Ito umano ang dahilan kung bakit nakatira na lamang sila ngayon sa isang nakatenggang jeep sa isang kalye sa Maynila.
Nang nakiusap umano sina Kim sa may-ari ng naturang jeep, mabuti na lamang umano ay pumayag ito na maging silungan at pansamantalag tirahan nila ni Lolo Mario ang nasabing jeep. Wala nang ibang mapupuntahan pa ang dalawa kaya naman labis ang tuwa ng mga ito na kahit papaano ay mayroon silang nasisilungan.
Gayunpaman, hindi pa rin maitatanggi na kaawa-awa ang kondisyon ng dalawa sa jeep na kanilang tinutuluyan. Dahil dito, naitampok pa nga ang kwento nina Lolo Mario at Kim sa programang ‘Front Row’ ng GMA kung saan, mas naibahagi pa ng maayos ang nakakalungkot na kondisyon ng dalawa.
Maliban sa programa, maging sa social media ay ibinahagi rin ang kondisyon nina Kim na agad din namang naging viral. Kaya naman, dahil sa naisapubliko ang kondisyon na ito nina Lolo Mario at Kim ay maraming tao rin na mayroong mabubuting mga puso ang nagkaroon ng kagustuhan na tulungan ang dalawa matapos mapanood ang kanilang kwento.
Ang mga taong ito na siyang unang mga indibidwal na tumulong kina Kim at Lolo Mario ay hinikayat din ang iba na magpaabot ng kahit kaunting tulong. Sinuman na makakakita sa aktwal na kondisyon ng dalawa ay talaga umanong malulungkot at maaawa.
Nasa isang kalye sa Rizal Ave. sa Maynila umano ang eksaktong lokasyon nina Lolo Mario. Malapit lamang umano ito sa LRT Blumentritt station kaya naman madali lamang matutunton ang dalawa ng mga taong nais magpaabot ng tulong.
Maliban sa hirap ng buhay at sa paghahanap ng makakain dahil nga nawalan ng hanapbuhay si Kim, malaking hirap rin para sa kanila ni Lolo Mario ang peligro na dulot ng pandemya lalo na’t nakatira lamang sila sa isang jeep.
Kaya naman, ang malasakit at tulong na ipinaabot sa kanila ng iba’t-ibang mga tao ay malaking tulong at ginhawa ang naidudulot sa kanila.
Kaugnay nito, hindi rin maiwasan na pasalamatan at hangaan ng marami si Kim dahil sa kabutihang loob na ipinamalas nito sa pagkupkop kay Lolo Mario. Sa kabila ng hirap ng kanyang buhay at pagsubok na hatid ng pandemya, hindi pa rin nito iniwan si Lolo Mario kahit hindi niya naman ito kamag-anak o kaano-ano.
Inspirasyon umano na maituturing para sa lahat ang kabutihang ito ni Kim na kahit siya mismo ay walang-wala rin, pinipilit pa rin nitong gumawa ng mabuti at maging mabuting tao. Kaya naman, nararapat lamang umano na makatanggap ng tulong sina Kim at Lolo Mario mula sa mga tao.
Source: definitelyfilipino
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment