Karaniwan na sa social media, lalo na sa Twitter, ang malayang pagpapahayag ng mga netizen ng kanilang mga opinyon tungkol sa iba’t-ibang mga bagay.
Kadalasan, ipinapahayag dito ng publiko ang kanilang pagsang-ayon o di pagsang-ayon lalo na sa mga paksa na napapanahon.
Naging pangkaraniwan na nga raw sa Twitter ang tinatawag na ‘cancel culture’ kung saan, inihahayag ng mga ito ang kanilang hindi pagsang-ayon o disgusto sa isang partikular na pangyayari, mga bagay, o kahit sa isang tao.
Kamakailan lang, isa sa mga naging trending topic sa Twitter ay ang pangalan ni Michael Pacquiao, ang nakababatang anak ni Pinoy Boxing Legend at Senator Manny Pacquiao. Bago ito, minsan na ring naging trending si Michael dahil sa mga papuri na natanggap nito mula sa mga kanta na kanyang inilalabas.
Ngunit, sa pagkakataong ito ay salungat naman ang dahilan ng pagiging trending ng nakababatang Pacquiao. Hindi naging maganda ang reaksyon ng ilan nang maimbitahan si Michael sa Wish 107.5 Bus at magbahagi rito ng kanyang talento sa pagkanta.
Ayon sa ilan, hindi naman umano ganoon kagaling si Michael ngunit nabibigyan lamang umano ng atensyon at platform dahil sa katayuan nito sa buhay. Mayroon pa umanong mga taong mas magaling pa kumpara kay Michael ngunit, dahil sa kilala ang pamilyang kanyang pinanggalingan ay mas nabibigyan umano ito ng atensyon o pagkilala.
Dagdag pa ng ilan, isa rin umano sa dahilan kung bakit ayaw nilang tangkilikin ang nakababatang Pacquiao ay dahil sa mga pananaw ng kanyang ama partikular na sa pananaw nito sa LGBT+ community.
Sa kabilang banda, maraming mga netizen naman ang nakikitang mali ang pananaw na ito ng mga tao kay Michael dahil, hindi naman umano nito kasalanan na nabigyan at lumaki ito sa isang marangyang buhay.
Para sa ilan, pinaghirapan din ni Michael ang pagkilala na naibibigay ngayon sa kanya dahil sa kanyang talento at hindi lamang ito dahil sa katayuan at apelyido na mayroon siya.
Ang mga batikos na ito kay Michael ang ginawang halimbawa ng isang netizen upang ipahayag ang umano’y pagiging mali o ‘toxic’ na ng tinatawag nilang ‘cancel culture’ sa Twitter.
“Dami kong time but srsly cancel culture in twitter is the toxicest (not all the time but most of the time). Can we let people do what they love and be happy abt their achievements? The energy of that crab mentality and hatred won’t get you anywhere. STOP PROMOTING HATE,” saad pa nga ng netizen na si Mark Dizon Ritual.
Dahil lamang sa mas nabibigyan ng pagkilala si Michael kaysa sa ibang mga artist, hindi ibig sabihin na dahil ito sa pagkakaroon niya ng ‘privileged’ na buhay.
Para sa marami, walang kasalanan si Michael kung hindi man nabibigyan ng pagkilala ang ibang mga artist na sinasabing umano’y mas magaling pa sa kanya. Kung mas nakilala man ito dahil sa kanyang ama, pinaghirapan din naman ng kanyang ama kung ano ang buhay na mayroon sina Michael at ang mga kapatid nito.
Dagdag pa ng ilan, maaari ngang mas nakilala ang talento nito dahil sa kanyang pangalan ngunit, nasa kamay at kakayanan pa rin naman ni Michael kung mapapanatili nito ang paghanga na ibinibigay sa kanya ng publiko dahil sa kanyang talento.
Ang punto rito ng karamihan, dahil lamang sa mas sumisikat ang isang tao kaysa sa iba na kapareho niya rin ng talento, hindi ibig sabihin na hindi ito karapat-dapat sa naturang pagkilala kaya hinihila na lamang nila ito pababa.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment