Labis-labis ang pasasalamat na ipinaabot ng dating sikat na aktor na si John Regala kay Raffy Tulfo dahil sa pagbibigay nito sa kanya ng tulong na Php 100 000, grocery, at mga gamot.
Personal na ipinaabot ng staff ng programa ni Tulfo ang tulong niyang ito kay Regala matapos ang naging panayam nito sa aktor tungkol sa kasalukuyan nitong kalagayan. Sa tuluyang pagharap ni Regala sa kamera, hindi nito mapigilang maging emosyonal dahil sa tulong na ipinaabot ni Tulfo sa kanya.
“Sir Raffy, I salute you. Maraming-maraming salamat po sa tulong na ibinigay niyo sa akin, at pipilitin ko po na gamitin ito sa pagpapalakas ng aking katawan…
“Sir Raffy, kung bumigay man aking katawan, isa lang ang sasabihin ko sa inyo: Babaunin ko po ‘yong utang na loob na ‘yon sa hukay, Sir. Kulang po ang salitang ‘salamat’ para sa inyo. Salamat po ng marami,” mensahe pa ni Regala para kay Tulfo.
Sa naturang pangyayari, ibinahagi rin ni Regala ang tungkol sa umano’y mga pinagdaanan niya sa buhay na kanyang pilit na nilalampasan.
Mula sa pag-iwan sa kanya ng kanyang maybahay dahil sa wala na itong pera, hanggang sa pagpanaw ng kanyang ina na umano’y sinamantala naman ng kanyang mga kamag-anak, nawawalan man ng pag-asa ay mas pinipili na lamang ng aktor na magpasalamat sa buhay na mayroon siya.
Ayon kay Regala, limang taon lamang umano ang ibinigay na taning sa kanya ng kanyang doktor dahil sa kanyang sakit na liver cirrhosis. Ngunit, nagpapasalamat siya dahil nalampasan niya na ang taning na ito dahil anim na taon na umano siyang nabubuhay sa kabila ng dinaranas na karamdaman.
Bagama’t nagpapasalamat, nangangamba pa rin ang aktor na baka isang araw ay hindi na lamang ito magising. Ang tangi niya lamang umanong hiling bago ito mangyari ay ang makita ang kanyang anak na nasa Amerika.
“Meron po akong anak sa Amerika pero hindi niya po ako nakilala na kanyang ama… Mag-iipon po ako makapunta lang po ako ng Amerika… bago ko po maipikit ang aking mga mata ay mayakap ko man lang ang aking anak,” emosyonal pang saad ng dating aktor.
Mensahe pa nga ni Regala para sa anak niyang ito,
“My son, wait [for] me there. I will be there very soon, no matter what happens, just to meet you, my son. I love you very much. Worst comes to worst. We didn’t see each other.
“Just remember, Papa loves you. I never stopped thinking of you.”
Bumuhos ang luha ng aktor nang mapag-usapan ang tungkol sa anak niyang ito. Ayon sa kanya, hindi umano siya nagkulang sa kanyang mga ampon dito sa Pilipinas na kanyang itinuring at minahal bilang kanyang tunay na mga anak. Ngunit, sa kanyang totoong anak umano siya talagang nagkulang.
Para naman sa kanya umanong mga itinuring na anak, sa kanyang naging mensahe ay pinaalalahan niya ang mga ito na matutong magpasalamat sa taong nagpalaki sa kanila at kung paano niya umano minahal ng totoo ang mga ito.
“I don’t need material things from you. I can survive all the storms that will come. Basta ‘yong mga tinuro ko sa inyo, magpakabuti kayong mga anak. Alam niyong mahal ko kayo,” mensahe pa ni Regala sa mga ito.
Hindi rin pinalagpas ni Regala ang pagkakataon na makapagpasalamat sa Iglesia ni Cristo na umano’y siyang tumulong at kumupkop sa kanya mapa-hanggang ngayon.
Panoorin ang buong video dito!
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment