Wednesday, August 5, 2020

Misis ni John Regala na Umano’y Nang-iwan sa Kanya, Nagsalita na!


Mula nang maisapubliko ang kasalukuyang kalagayan ng aktor na si John Regala, hindi na tinantanan pa ng mga pambabatikos at panghuhusga ang misis umano nito na nang-iwan sa aktor matapos siyang mawalan ng pera.

Si Vicky Scherrer o Gina ay ang ikalawang asawa ni John na umano’y iniwan ang aktor matapos itong mawalan ng pera at sa kabila ng dinaranas nitong sakit.

Si John ay mayroong liver cirrhosis na siyang dahilan ng malaking pagbabago sa katawan at kalusugan ng aktor. Hindi kagaya dati, mahina na ang katawan ng aktor at hindi na rin gaanong maayos ang pagsasalita.

Dahil sa rebelasyon na ito ni John tungkol sa asawa, hinusgahan at binatikos ng publiko si Gina na umano’y dahil lamang sa pera ay iniwan na ang aktor. Maliban kay Gina, nadamay na rin sa mga pambabatikos ng publiko ang kanyang anak na si Hide na inampon na rin ng aktor.


Hindi na umano kaya ni Gina ang mga pambabatikos na kanyang natatanggap kaya naman, sa isang pahayagan ay naglabas na si Gina ng kanyang pahayag tungkol sa isyu na ito.

Ayon kay Gina, taliwas sa pinaniniwalaan ng marami, hindi umano totoo na iniwan niya si John dahil lamang sa wala na itong pera.

“Gusto kong linisin ang pangalan ko. Sirang-sira na ako kaya magsasalita na ako. Ang daming bashers…

“Hindi ko iniwan si John nang dahil sa pera o sa kanyang sakit kundi matigas ang kanyang ulo. Hindi siya naniniwala sa akin,” pahayag pa ni Gina.


Ayon sa naturang pahayagan, emosyonal umano si Gina habang inihahayag ang kanyang panig tungkol sa umano’y ibinibintang sa kanya. Ayon sa misis ni John, ang kalusugan lamang umano ng aktor ang kanyang iniisip ngunit, ayaw daw nitong maniwala sa kanya. Kwento pa nga nito,

“Gustong-gusto niyang lumabas ng bahay, e, may sakit nga siya. Health risk siya. Ngayon pa naman na may COVID, e, ayaw niyang makinig sa akin. Sabi ko, ako na lang ang lalabas pero sinigawan pa niya ako. Pinaghinalaan pa niyang may ka-date ako. Tama ba naman ‘yon?”

Maliban sa mga paratang na ito kay Gina, minsan ding isinaad ng aktor na iniwan na rin ito ng kanyang mga ampon. Isa sa mga ampon ng aktor ay si Hide, tunay na anak ni Gina na anak nito sa dating karelasyon. Si Gilbert naman, isa ring ampon ni John, ay inampon naman ng aktor kasama ang dating asawa na si Aurina Manansala-Hunt.

Nang minsang humarap si Aurina sa medya, nanawagan pa ito kay Gilbert na sana man lang umano ay tumawag at magpakita kay John. Habang nananawagan ay nagmakaawa at humingi pa ito ng tawad sa itinuturing nilang anak.


Ayon kay Gina, taliwas ulit sa mga paratang na ito, hindi umano totoo na inabandona si John ng kanyang mga ampon dahil mahal na mahal umano siya ng mga ito.

“Pati ang tunay kong anak ay pinalalabas niyang walang kuwenta. Mahal na mahal na siya nung bata… Wala na nga akong mukhang inihaharap sa anak ko at kay Gilbert nang dahil kay John, tapos, gano’n pa siya,” muli pang saad ni Gina.

Nais lamang umano ni Gina na malinis ang kanyang pangalan mula sa mga ibinibintang sa kanya ng mga tao. Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si John tungkol sa mga pahayag na ito ng kanyang misis.

Source: remate
Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment