Nagsalita na rin ang ama ng aktres na si Julia Barretto hinggil sa kumalat ditong tsismis na umano’y nagbubuntis ito. Sa isang panayam kay Dennis Padilla, ibinahagi niya ang kanyang naging reaksyon nang marinig ang ulat.
“Actually ang unang nagtanong dito sa akin sa set si Ruffa Gutierrez. Sabi niya sa akin, ‘Kuya Dennis, totoo ba?’ Sabi ko, hindi siguro dahil kung totoo iyan, magte-text din naman sa akin 'yan na ‘Papa I’m pregnant.’ Wala eh. Tapos nakita ko nga 'yung litrato ni Julia sa Instagram niya. Fake news talaga,” pagkukwento pa ni Dennis.
Nangyari ang panayam na ito sa aktor at komedyante sa DZMM Teleradyo nitong Martes, ika-22 ng Setyembre.
Nang lumabas ang naturang tsismis mula mismo sa dating mamamahayag na si Jay Sonza, agad na pinabulaanan ni Julia at maging ng kanyang management na Star Magic na hindi umano totoo ang naturang balita.
‘Fake news’ umano ito ayon sa aktres. Ito rin ang naging reaksyon ni Gerald Anderson na umano’y ama ng ipinagbubuntis daw ni Julia na hindi naman umano totoo.
Kaya naman, mayroong ibinahaging mensahe si Dennis para sa dating broadcaster na si Jay tungkol sa paglalabas umano nito ng naturang fake news. Mensahe niya pa dito,
“Ang gusto kong sabihin kay Kuya Jay, 'Kuya Jay, bago ka sana nag-comment ng gan'un, sana tinawagan mo naman ako o kaya tinanong mo kay Marjorie o kaya mag-text ka sa kung sino man ang malapit kay Julia para malaman kung totoo or hindi…”
Ani pa ni Dennis, sana raw ay nakipag-ugnayan muna ang mamamahayag sa kanilang mga magulang ni Julia bago nito inilabas ang umano’y narinig lang din nito na tsismis.
“Kasi parang ang pagkabitaw ni Jay Sonza, parang casual. Hindi siya news type. Siguro ang kulang ni Kuya Jay doon is coordination sa mga magulang at sa bata,” dagdag pahayag pa ni Dennis.
Kaugnay nito, natanong din sa naturang panayam si Dennis kung mayroon ba raw itong plano na maghain ng reklamo laban kay Jay dahil sa fake news na inilabas nito tungkol sa kanyang anak.
Ayon kay Dennis, hindi na umano kailangan dahil mayroon din naman umano silang pagkakaibigan ng mamamahayag.
“Hindi na siguro kasi lalaki namang kausap si Kuya Jay. Mag-uusap na lang kami, tawagan and kung kailangan may mag-apologize, apology lang siguro. Ayos lang 'yun dahil kaibigan din naman natin si Kuya Jay,” pahayag pa ulit ni Dennis.
Nang maglabas naman ng reaksyon ang mga sangkot sa naturang isyu na sina Julia at Gerald na parehong mariing itinanggi ang tsismis, agad humingi ng tawad sa mga ito ang mamamahayag.
Ani ni Jay sa mga ito, humihingi umano siya ng tawad sa napaaga niya umanong pagbati sa dalawa.
“Hindi ako buntis. - julia; Hindi buntis ang anak ko. - marjorie
“May umamin kasi. Kaya nagalak ako. Kung ganoon po, binabawi ko ang aking masayang pagbati. Happy & excited kasi ako kapag may nabibiyayan ng Buhay.
“Pasensiya na kung napaaga ang aking Congratulations. Itatabi ko na lang muna iyong regalo ko sa kanila,” ang pahayag pa tungkol dito ni Jay.
Samantala, burado na ang naunang Facebook post ni Jay kung saan nito inihayag ang tsismis na buntis umano si Julia at si Gerald ang ama.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment