Thursday, October 1, 2020

Estudyanteng Bumili ng Laptop Online, Nabiktima ng Scam; Laptop na, Naging Bato pa!


Trending ngayon sa social media ang nangyari sa isang studyante na ito sa Guimaras kung saan, imbes na bagong laptop ang dumating sa kanya, tatlong pirasong bato ang kanyang natanggap.

Hindi na napigilan ng estudyanteng si Arthur Baylon na mapaluha na lamang nang mabiktima siya ng panloloko. Bumili kasi ito ng laptop online para sana mayroong magamit sa darating na pasukan ngunit, imbes na laptop ang dumating sa kanya, tatlong piraso ng bato ang naging laman ng natanggap niyang kahon.

Ang mas malungkot pa rito, hindi biro ang pinagdaanan ni Baylon at ng kanyang mga magulang para lamang makabili sana ng naturang laptop. Ayon sa college student, mula sa pangingisda ay pinag-ipunan umano nila ang pambili rito.

Kwento pa ni Baylon, simula nang matigil ang pasok sa paaralan, ito na umano muna ang sumasama sa kanyang tatay sa pangingisda. Ang kinikita umano nila rito ay kanilang inipon hanggang sa umabot na sa Php 24,000 ang pera na kanilang inimpok.

Kaya naman, para mauwi lamang sa bato ang kanilang pinaghirapan ay napakasakit para sa estudyante. Alam ng lahat na dahil sa sistema ng edukasyon ngayon, napakahalaga na magkaroon ng sariling laptop kaya naman, kahit na mahal ay sinikap nilang makabili nito.

Nanlumo na lamang si Baylon nang walang makitang laptop sa idineliver sa kanilang kahon o package. Ani pa nito, natuwa pa raw si Baylon nang makita ang mousepad na unang tumambad sa kanya.

Ngunit, nang makita na walang laman ang lalagyan ng charger ng laptop, kinabahan na umano ito. Hanggang sa wala nga itong laptop na makita sa package at sa halip ay tatlong piraso ng bato ang kanyang nakita.


Ganun na lamang umano ang panlulumo na kanyang naramdaman kaya napaiyak na lamang ito. Hindi biro ang pera na kanyang ipinambayad dito na sinikap umanong buuin ng kanyang mga magulang.


Kaya naman, agad umano na pinadalhan ng mensahe ni Baylon ang pinagbilhan niya ng laptop online. Agad niya rin umano itong inireport sa kapulisan at ipina-blotter ang pinagbilhan niya ng laptop.

Ngunit, giit naman umano ng seller na ito kay Baylon, hindi umano bato ang ipinadala niya sa estudyante at totoong laptop na inorder nito ang kanya umanong ipinadala.

Gayunpaman, pumayag na rin ito sa request ni Baylon na bigyan na lamang siya ng refund mula sa laptop na bibilhin sana nito rito ngunit naging bato. Mabuti na lamang umano at nabawi pa ni Baylon ang kanyang pera mula rito.


Hindi naman naiwasan ng mga netizen na makaramdam ng galit dahil sa ginawang panloloko na ito kay Baylon. Nakakalungkot umanong isipin na sa kabila ng panahon ngayon na ang lahat ay may pinagdaraanan, mayroon pa ring mga tao na nagagawang manlamang at manloko ng kapwa.

“Akala ko pera lang ang nagiging bato? Pati laptop nagiging bato na rin? Ba’t ganyan ang ibang mga tao, may pusong bato?” pahayag pa nga ng isang netizen tungkol dito.

Dahil naman sa nangyaring ito kay Baylon, maraming mga netizen ang nagpahayag ng kagustuhan na tumulong sa estudyante.

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment