Hindi lamang kanyang pamilya kundi buong baryo ang nagdiwang para sa pagtatapos noon sa medical school ng isa na ngayong ganap na doktor na si Jess Dexisne. Dahil galing sa mahirap na pamilya, kinailangang magtarabaho ni Jess bilang barbero upang matustusan ng kanyang pag-aaral at matapos ang kanyang pagka-doktor.
Kahit nasa high school pa lamang noon si Jess ay tumutulong na ito sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang barbero sa barber shop ng kanyang lolo. Si Jess ay panganay sa anim na magkakapatid.
Kumuha si Jess ng kursong nursing sa Immaculate Concepcion College kung saan, isa itong working student. Nang mamatay ang kanyang lolo, lumipat si Jess sa ibang barber shop upang doon naman magtrabaho bilang barbero habang nag-aaral.
Matapos maipasa ang Nursing Board Exam, sa tulong ng isang scholarship ay nakapagpatuloy sa medical school si Jess sa Ago Medical and Educational Center-Bicol Christian College of Medicine (AMEC-BCCM). Nagpatuloy pa rin ito sa kanyang pagtatrabaho bilang barbero. Minsan, kinailangan umanong huminto muna ni Jess sa pag-aaral dahil sa iba’t-ibang dahilan.
“Iyon ‘yung mga panahon na kaliwa’t kanan ‘yung bagyong dumarating, halos buwan-buwan may bagyo. Nag-stop ako kasi anim kaming magkakapatid. Hindi kakayanin ng parents ko so nagtrabaho muna ako,” kwento pa nito.
Nang matapos niya ang med school, buong baryo sa Brgy Bagacay sa Legazpi City ang nagdiwang dahil si Jess ang kauna-unahang nagtapos bilang doktor sa kanilang lugar. Ngunit, hindi pa rito nagtatapos ang kailangang tahakin ni Jess dahil kailangan pa nitong ipasa ang Physician Licensure Exam noong 2020.
Saksi umano ang dating dean ng AMEC-BCCM na si Dr. Ofelia Samar-Sy sa pagsisikap ni Jess para ipasa ang Board exam. Dahil kailangan nitong suportahan ang pamilya, nagtrabaho pa rin si Jess bilang barbero. Dahil dito kaya hindi ito pumasok sa review center at nagself-study na lang para sa kanyang board exam.
Gayunpaman, noong October 2, 2020 ay naipasa pa rin nito ang Physician Licensure Board exam na hindi lamang naging katuparan ng pangarap ni Jess kundi pati na rin ng kanyang pamilya.
“Jess’ story is so beautiful. Inspiring – a poor barber, is one of the very few who passed the recent Physician Licensure Examination. Only 56% passed, the lowest passing ever in the history of recent PLEs…
“I offered him free review for the boards. Ayaw niya kasi (He refused because) he needs to work and earn. Kaya self-study lang siya (So he just did self-study)…. He wakes up early and after class he would go to the barbershop to work as a barber,” kwento pa tungkol dito ng dean.
Sa kanyang naabot na tagumpay, mayroong mensahe si Jess tungkol sa kanyang pinagdaanan na naglalayong makapagbigay inspirasyon din sa iba na matupad ang kanilang pangarap. Saad nito,
“Sa buhay po, napakarami talagang pagsubok - madadapa, matatalo, malulungkot po tayo. Pero kailangan po natin itong pagdaanan para lumakas tayo. Ang pangaral na matututunan natin sa pagkabigo ay gawin nalang natin itong panggatong para sa ating mithiin, para maabot ang ating mga pangarap. Marami po tayong kakayahan, kapasidad, at kapalidad. Wag po natin itong sayangin.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment