Marami ang naluha at naantig sa kwento ng 10 gulang na batang si Reymark na ipinalabas kamakailan lang sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho”. Sa murang edad kasi nito, imbes na maglaro at mag-aral ang kanyang ginagawa ay pag-aararo sa bukid ang araw-araw na gawain ni Reymark para sa kanyang pamilya.
“Maliit pa ako, ganito na ang trabaho ko. Napapagod na po akong mag-araro. Pero sige lang, kakayanin ko para sa pamilya ko,” ang emosyonal pang saad ng bata.
Matapos iwan ng ina, hindi na rin nakakasama ni Reymark ang kanyang tatay. Ang kanyang lolo at lola na nanghihina na rin ang kasama nito sa buhay. Araw-araw, kasama ang kanyang kabayo ay inaakyat nina Reymark ang matarik na bukirin upang mag-araro.
Walang magawa ang bata dahil kailangan niyang magtrabaho upang makatulong sa kanyang pamilya. Kaya naman, kahit sa murang edad at liit nito ay natutunan na ni Reymark na paamuhin ang alagang kabayo at maging katuwang niya sa pag-aararo.
Hindi nga nto naiwasan na maiyak habang kinukwento ang kanyang sitwasyon na imbes na maglaro ay pagtatrabaho ang kanyang inaatupag. Gayunpaman, para sa pamilya ay patuloy itong gagawin ni Reymark kahit pa man sa kanyang kamusmusan.
“Mahirap po dahil maliit lang ako. Pero wala naman kaming magagawa. Kailangan na lang pong tanggapin. Ako na lang po ang bumubuhay sa aking pamilya. Kaya kahit maliit ako, titiisin ko po ang hirap. Masakit po sa katawan at sa pakiramdam. Ang hirap po kasi na wala kang pera.
“Ang hirap po nang lagi mong iniisip kung makakakain ‘yung pamilya mo sa isang araw. Wala naman po akong ibang magawa kundi magtiis. Minsan, kapag nakikita ko ‘yung ibang bata, naiinggit ako. Nakakapaglaro kasi sila, nakakapag-bike. Pero ako po, nandito sa bukid, nagtatrabaho…
“Pagod na pagod na po ako,” saad pa ni Reymark.
Nagpakirot naman sa maraming mga puso ang sitwasyon na ito ni Reymark. Hindi maiwasan ng mga ito na mapaisip at magpasalamat sa kanilang sitwasyon na walang-wala sa pinagdaraanan ng bata. Nakakalungkot umanong isipin na mayroong kagaya ni Reymark na bata pa lamang ay banat na ang buto.
Kaya naman, upang kahit papaano ay makatulong kay Reymark at mapasaya ito, maraming mga tao ang nag-organisa ng ilang mga grupo upang makakalap ng tulong para kay Reymark. Isa sa mga ito ay ang netizen na si Ronz Yuzon kung saan, ibinahagi nito ang mga donasyon na kanilang natanggap para sa bata.
Sa Facebook post na ibinahagi nito, makikita na pinuntahan nila si Reymark at ipinaabot rito ang mga tulong gaya ng bigas, grocery, at pera.
Ngunit, ang pinaka nagpasaya kay Reymark ay ang bagong alagang kabayo para rito na handog sa kanya ng netizen at ng mga tumulong dito. Walang pagsidlan ng tuwa ang bata para sa kanyang bagong kasa-kasama.
Napakalaking tulong nito para kay Reymark lalo na’t isa sa pinag-aalala nito ay ang kanyang alagang si Rabanos na tumatanda na rin ngunit araw-araw na nagtatrabaho kasama niya. Ngunit dahil sa kanyang bagong kasa-kasama, masaya na ulit ito.
Maliban dito, patuloy rin ang pagdagsa ng ibang tulong para kay Reymark mula sa mga taong may mabubuting mga puso. Nais ng mga ito na maranasan din ni Reymark kung paano maging bata na masaya at hindi lamang puro problema.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment