Marami ang naawa sa ginawang pag aresto ng mga awtoridad kay Lolo Narding, 80-anyos, matapos ang kasong pagnakaw ng 10 kilong mangga sa Asingan, Pangasinan.
Ayon sa ilang mga netizen, hindi umano makatarungan ang kanilang ginawa sa matandang lalaki nang dahil lang umano sa pagnakaw ng 10 kilong mangga.
Ayon sa Public Information Office ng Asingan, si Lolo Narding ay inaresto base sa ipinalabas na warrant of arrest ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) ng Asingan-San Manuel, Disyembre 20, 2021.
Batay na rin sa spot report ng Asingan PNP, hinuli si Lolo Narding kasunod ng isang manhunt operation pasado alas 5 na ng gabi, Enero 13, sa Barangay Bantog.
“Pinapitas ko yung isang puno ng manga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun," sabi ni Lolo Narding.
Dagdag pa niya, sinubukan niyang i-settle ang sitwasyon at nag boluntaryong bayaran na lang ang nakuhang mangga kaysa umabot pa sa korte.
"Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko 'yung bayad, ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo," dagdag niya.
Gayunpaman, ang korte ay may inilaang piyansa na Php 6,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Halos mangiyak-ngiyak na si Lolo Narding Floro nang makapanayam ito ng Asingan Provincial Information Office (PIO).
Ayon sa opisina, halos isang linggo ng nasa kustodiya si Lolo Narding ng Asingan PNP dahil sa kasong pagnanakaw ng 10 kilo ng mangga.
Dagdag pa ng opisina, gustong gusto na umanong umuwi ng Lolo Narding Floro sa kanila.
Bukod sa mga netizen na nakabasa ng nasabing balita, may ilang celebrities din na nagpahayag ng kanilang saloobin sa nangyaring insidente.
Isa sa mga labis na naawa sa naging kinahinatnan ni Lolo Narding ay ang aktres na si Ryza Cenon na nagsabing siya na lang ang magbabayad sa bail ni lolo para makauwi na ito sa kanila.
Ayon sa kampo ni Ryza, nakipag-ugnayan na sila sa Asingan PNP para sa pansamantalang kalayaan ni lolo.
Nitong Miyerkules lang ng gabi, nakipag-ugnayan si Caryl Ann Paraico, handler ni Ryza, sa mga Asingan pulis, ngunit wala pang sumasagot sa police station.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment