Monday, July 13, 2020

Arjo Atayde sa mga binitawang pahayag ni Bato Dela Rosa: “Dada ng dada.. Mauna ka”


Isang araw bago lumabas ang desisyon ng kongreso para sa pagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN, mayroong inilabas na pahayag ang senador na si Bato Dela Rosa tungkol sa mga empleyado umano ng ABS-CBN na maaaring mawalan ng trabaho sakaling mabigo ang network na ma-renew ang kanilang prangkisa.

Ayon kay Dela Rosa, magsumikap at maghanap na lamang umano ng ibang trabaho ang mga empleyadong ito upang mabuhay ang kanilang mga pamilya.

“Hanap ng ibang trabaho para mabuhay, magsumikap, may ibang paraan pa naman siguro para mabuhay tayo. Hanap ng ibang jobs. Alangan namang sabihin ko sa kanila na maghimagsik kayo… magwala kayo? Maghanap na lang ng ibang trabaho para mabuhay pamilya,” saad nito.

Dagdag pa ni Dela Rosa, alam niyang mahirap umano ang mawalan ng trabaho kahit hindi pa umano empleyado ng ABS-CBN. Hindi lang naman umano mga empleyado ng network ang nakakaranas ng pagkatanggal sa trabaho. Ani pa nito,


“Mahirap talaga, kahit na hindi ABS-CBN. Lahat tayo apektado. Hindi lang yung ABS-CBN employees. Kaya ‘pag mawalan ka ng trabaho ngayon, talagang mahirap. Ramdam natin yung hirap na ‘yan.”

Kagaya ng mga nauna pang mga pahayag ni Dela Rosa, hindi nagustuhan ng marami ang opinyon na ito ng senador. Marami ang umalma sa pahayag niyang ito lalong lalo na ang mga taga-suporta ng ABS-CBN.

Isa nga sa mga umalma sa pahayag na ito ni Dela Rosa ay ang aktor na si Arjo Atayde. Sa Twitter, sinagot ni Atayde ang pahayag na ito ni Dela Rosa.

“Dada ng dada.. mauna ka,” diretsahan pang ani ni Atayde kay Dela Rosa.

Maging si Kaladkaren o Jervi Li sa totoong buhay ay mayrooon ring inilabas na sagot para kay Dela Rosa tungkol sa pahayag nito. Saad pa ni Kaladkaren,


“Mr. Senator, bagay din po sa inyo itong statement niyo. May iba pa pong trabaho. Hanap na lang po kayo ng iba.”

Hindi naibigay sa ABS-CBN ang inihain nitong prangkisa ngunit, malungkot man ay patuloy pa rin ang karamihan sa mga empleyado at atista ng network sa pag-apela kahit man lang sa social media.

Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas ng kontrobersyal na pahayag si Dela Rosa. Ilang beses na ring naging paksa sa social media ang senador dahil sa mga binibitawan nitong pahayag na hindi naiintindihan o hindi nagugustuhan ng publiko.

Minsan na ring binatikos si Dela Rosa nang sinabi nitong ang ‘sarap’ umano ng kanyang buhay sa isang video conference session ng mga senador online. Ito ay sa kabila ng dinaranas ng bansa dahil sa COVID-19. Pahayag pa nito,


“Sarap ng buhay! Sarap ng buhay! Ganito na lang tayo palagi ha?”

Marami ang pumuna sa pahayag na ito ni Dela Rosa na umano’y napaka-’insensitive’ sa panahong ito na marami ang namomroblema at naghihirap dahil sa pandemya.

Si Dela Rosa ang isa sa mga sendaor na malimit makatanggap ng batikos galing sa publiko dahil nga sa mga pahayag nito. Ilang beses na itong naging trending dahil sa iba’t-ibang mga opinyon na inilalabas nito na maging mga personalidad at artista ay umaalma.

Source: KAMI

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment