Thursday, July 23, 2020

Batang Lalaki, Mag-isang Tinataguyod ang Kanyang Buong Pamilya


Sa kabila ng murang edad, ang batang si Manny na ang bumubuhay at nagtataguyod sa kanyang buong pamilya. Mula umaga hanggang gabi ay naghahanapbuhay ang bata hindi lamang upang mayroong makain ang kanyang pamilya ngunit para na rin maipagamot ang kanyang mga magulang.

Sa programang ‘Wish Ko Lang’ ng GMA ay nakilala ng publiko si Manny Samaa, 13 taong gulang. Dahil sa pagkakaroon ng sakit na tuberculosis ng kanyang nanay na si Jocelyn noong taong 2016 at pagiging baldado naman ng kanyang tatay na si Martin, nagdesisyon si Manny na talikuran ang pagiging bata upang magsumikap na makatulong sa kanyang pamilya.

“Pangarap ko po na umahon po kami sa paghihirap. Mahirap po ‘pag wala kaming kakainin. Hindi naman po namin kayang magnakaw, masama pong magnakaw. Pangit po ‘yun, eh. Kaya… maghahanap nalang po kami ng pupwedeng kainin,” ani pa ni Manny.

Hindi kaya ni Manny na nakikitang nahihirapan ang mga magulang dahil sa kanilang kondisyon. Masakit para sa bata na wala umano silang pambili ng gamot at perang pampagamot para sa kanyang nanay at tatay. Kaya naman, ayaw man ng kanyang mga magulang ay wala na ring nagawa ang mga ito dahil sa hirap ng buhay at pagiging desidido rin ng bata na maghanapbuhay.


Sa kabila ng banta ng pandemya, tuwing umaga ay naglalako si Manny ng iba’t-ibang mga gamit sa bahay tulad ng tabo, walis, sponge at iba pa. Sa gabi naman, naglilibot ito upang magbenta ng balut.

Mahirap man, para kay Manny ay mas mahalaga na makatulong ito sa kanyang pamilya at mapasaya ang kanyang mga magulang. Hindi na nga napigilan pa ng bata na maging emosyonal dahil sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.

“Naaawa po ako. ‘Pag may ipon po akong isang daan, ibinibigay ko po sa kanila, pambili po ng gamot kahit walang matira sa akin…

“Makita ko lang pong masaya ‘yung magulang ko, masaya na rin ako,” ani pa ni Manny.


Mas pinahirap pa ng pandemya ang kanilang sitwasyon dahil ipinagbabawal para sa mga katulad ni Manny ang lumabas. Ngunit, sa kabila ng peligro ay itinutuloy pa rin ni Manny ang paglalako dahil kailangan ito ng kanyang pamilya.

“‘Nung dumating na po ‘yung quarantine, naisipan ko talagang magtinda kahit may lockdown. Minsan hinaharang pa kami ng mga sundalo. Alam ko naman po na bawal lumabas po ‘eh…

“Pinipilit ko lang po para sa pamilya ko. Para may pangkain po kami. Para mabuhay lang po ‘yung pamilya namin,” kwento pa ng bata.

Sa kabila ng hirap ng kanilang buhay, buo pa rin ang pangarap ni Manny na makapagtapos ng pag-aaral. Determinado ito na makamit ang pangarap na maging isang seaman balang-araw.


Ngunit, dahil sa ipinapatupad na ‘new normal’ sa pag-aaral, panibagong hirap na naman ang iniisip ng bata upang maipagpatuloy ang pangarap. Gayunpaman, determinado itong magpatuloy sa trabaho upang maituloy lamang ang kanyang pag-aaral. Ani pa nito,

“Hindi ko po nga alam kung saan ko kukunin ‘yung pambiling tablet pang-aral ko sa school. May bibili, o kaya ba ng budget nila mama. Tuloy-tuloy ko nalang po ‘yung pagtitinda para may pang-aral po ako kasi ‘dun rin po ako kumukuha ng pambaon, eh.”

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment