Marahil ay pamilyar para sa karamihan ang pangalan ng dating sexy star na si Brandy Ayala lalo na sa mga ka-henerasyon nito. Ayon sa pamangkin ni Brandy, o Remedios Estrada sa totoong buhay, nawawala umano ito ngayon at kanilang pinaghahanap.
Ayon sa inilabas na ulat ng Pep.ph, pinaghahanap umano ngayon ang 55 taong gulang na dating artista at wala pa umano ito sa katinuan.
Sa isang panayam sa pamangkin ni Brandy na si Ralph Estrada, ikinwento nito ang naging buhay umano ni Brandy mula nang mawala ito sa showbiz hanggang sa ngayon kung saan, mayroon na itong sakit sa pag-iisip.
Madalas umano na pagala-gala na lamang si Brandy sa kalsada ngunit, bumabalik naman daw ito sa kanila. Ngayon lamang umano ang pinakamatagal na hindi umuwi sa kanila ang kanyang tita kaya nag-aalala na ang mga ito kay Brandy.
“Bago po nag-lockdown, nawawala na siya. Kapag may pera po kasi ako, binibilhan ko siya ng pagkain, iniiwanan ko siya ng pagkain sa pintuan namin. Napansin ko lang na nawawala siya, dahil pagkalipas ng dalawang araw, hindi pa rin niya nagagalaw ang pagkain na iniwan ko.
“Hinanap po namin siya, hindi na po namin makita. Lakad lang po siya nang lakad. Baka po mamaya, nalipasan na siya ng gutom. Nakalimutan na niya ang pabalik sa bahay namin, o kaya, baka nakalimutan niya na may pamilya siya dito.
“Ito na po yung matagal na nawawala siya, limang buwan. Dati, dalawang buwan lang. Nahihirapan na kaming hanapin siya. Mahirap kumilos dahil sa lockdown. Ang sabi ng barangay, ilagay sa Facebook, pero wala naman kaming picture niya. Hindi ko alam kung saan ako makakakuha ng picture ng tita ko…
“May ID picture po siya pero iba pa ang mukha niya. Medyo mataba pa siya sa Barangay ID niya. Ngayon po, parang lola na ang itsura niya. Payat na siya pero hindi sakitin,” saad pa ni Ralph.
Dahil umano sa paggamit dati ni Brandy ng ipinagbabawal na gamot noong nasa showbiz pa ito kaya wala na ito ngayon sa katinuan. Maliban dito, mayroon pa umanong sakit na schizophrenia si Brandy na nagpalala pa sa kondisyon nito.
Bilang epekto ng naturang sakit, madalas ay nanghihingi na lamang umano ng pera at pagkain ang dating sexy star sa kanyang mga nakakasalamuha sa kalye.
Sa kwento ni Ralph, sa tuwing inaatake umano ng sakit ang kanyang tita ay mayroon umano itong madalas na binabanggit at minumura. Isa umano itong aktor at pulitiko ngunit, hindi umano alam nina Ralph kung ano ang ginawa ng mga ito sa kanyang tita.
“1997 nang magkaroon ng 'toyo' si Tita. Bigla-bigla siyang nagagalit. Ang sabi po sa akin, nasira ang ulo niya nang makipagrelasyon kay [pangalan ng isang aktor]...
“Ang tita ko po, kapag tinotoyo, ang binabanggit niya na pangalan, si [pangalan ng aktor] at si [pangalan ng isang sikat na pulitiko]. Yung dalawa ang lagi niyang binabanggit.
"Isinisigaw niya ang pangalan ng aktor, 'Tangin..o… manyakis!’ at yung pangalan ng pulitiko, ‘Tang....o, manyakis ka rin! Mga manyakis kayo!’ Kahit ano po ang mangyari, yung dalawa ang palaging binabanggit niya,” kwento pa ni Ralph.
Lumala pa umano ang kondisyon ni Brandy nang pumanaw ang ina nito noong taong 2018. Ang ina umano nito ang nag-aalaga kay Brandy ngunit, nang sumakabilang buhay ito ay mas lalo pa umanong nagpagala-gala ang dating artista.
Nang minsang naisadula ang kwento ng buhay ni Brandy sa MMK, tumanggap umano ng Php 20 000 ang ina nito mula sa programa. Ginamit umano nito ang pera bilang pambili sa gamot ng anak.
Sumikat si Brandy noong 1985 hanggang 1986 habang 19 taong gulang pa lamang ito. Isa ito sa mga binansagang ‘Liquor Beauties’ at gumawa ng marami-rami ding pelikula sa naturang mga taon.
Ayon sa kwento ni Ralph, dahil sa pagiging sexy star ay itinakwil umano si Brandy ng ama nito at kailanman ay hindi sila nagkabati. Gumamit din umano ito ng ilegal na droga habang nasa showbiz na siyang dahilan ng kondisyon nito ngayon. Hindi na rin daw nakapag-asawa o nagkaroon ng pamilya si Brandy.
“Si Tita, kapag sinusumpong, bigla siyang nagdadabog. Noong minsan, mabaho siya. Pinaliguan ko siya. Nagwala, talagang walang nakapigil sa kanya. Minsan, umuuwi siya, may black eye pero hindi naman niya sinasabi kung bakit. Minsan, marami talaga ang mga tao na salbahe,” saad pa ng pamangkin ng dating sexy star.
Gamit ang ipinagkatiwalang ID ni Brandy, umaasa ngayon sina Ralph at ang pamilya nito na matunton na nila kung nasaan si Brandy.
Source: PEP
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment