“KARAPATAN NG BAWAT BATA ANG MAKAPAG-ARAL.”
Ito ang idinidiing mensahe ng isang guro sa gitna ng nagaganap na malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Ito ay matapos niyang malaman ang sitwasyon ng isa sa kanyang mga mag-aaral na kinailangan pa umanong mag-arkila ng cellphone para lamang mayroong magamit sa kanilang online class.
Sa Facebook post na ibinahagi ng gurong si Rejhon Soriano Modesto, ibinahagi nito ang naging mensahe sa kanya ng isa sa kanyang mga estudyante kung saan, tinatanong nito sa guro kung mayroon ba raw silang klase. Ayon kasi sa naturang mag-aaral, kailangan niya itong malaman dahil nakiki-arkila lamang ito ng cellphone.
Dagdag pa ng guro, ang estudyante niyang ito ay nagsisikap para lamang makapag-aral. Kaya naman, upang kahit papaano ay makatulong, nakikiusap at humihingi ngayon ng tulong si Modesto sa mga netizen na may mabubuting puso na kung maaari ay magbigay o magpahiram ng cellphone sa kanyang estudyante.
“Hindi po tamad ang estudyante ko, katunayan nagdideliver po siya ng tubig para mabuhay at makapag-aral
“Kung sakaling may smartphone kayo diyan na hindi na ginagamit o kahit yung sira na pero pwede pang ipaayos at magamit sa online class. Please, pm niyo ako,” ani pa ni Modesto.
Ayon sa guro, masakit para sa kanya na malaman ang ganitong kondisyon ng kanyang mga estudyante. Kaya naman, dahil hindi rin naman kalakihan ang sahod nilang mga guro, ito lamang umano ang naisip niyang paraan upang kahit paano ay makatulong.
“Sobrang sakit. Ito lang po ang tanging magagawa ko po dahil mababa rin naman po ang sahod ng mga kagaya kong guro,” dagdag pa ni Modesto.
Ang Facebook post na ito ni Modesto ay nagpaantig naman sa puso ng maraming mga netizen kaya agad itong naging trending sa social media. Patuloy rin ang pagbabasakali ng naturang mga netizen na mayroong programa na makapansin sa Facebook post na ito ni Modesto tulad ng ‘KMJS’ at ‘Raffy Tulfo in Action’ para ito’y matulungan.
Ayon sa mga netizen, randam din umano nila ang hirap ng naturang estudyante at maging ni Modesto. Para sa mga ito, hindi pa handa ang parehong mga guro at estudyante sa bansa para sa pagpapatupad ng online class at dagdag pahirap lamang umano ito sa nangyayari ngayon sa bansa dulot ng pandemya.
Ang sitwasyong ito ng naturang estudyante ay isa lamang sa mga dahilan kung bakit isinusulong ng marami ang ‘Academic Freeze’ o ang hindi muna pagbubukas ng klase habang hindi pa naibabalik sa normal at ligtas ang sitwasyon sa bansa.
Ito ay sa kadahilanang hindi lahat ay kayang mag-aral online dahil hindi naman lahat ay may kaukulang gamit tulad ng cellphone at laptop para sa ganitong uri ng sistema. Maliban dito, dagdag pahirap din umano sa mga estudyante ang mahinang internet sa bansa at dagdag gastos para lamang maka-konekta sa internet.
Ayon naman sa ilan, kung hindi man umano kayang ipagpaliban muna ang klase, baka raw ay bigyan naman ng konsiderasyon ng paaralan at ng mga guro ng kanilang mga estudyante na huwag masyadong bigatan ang mga ipinapagawa sa mga ito.
Sa ngayon, umaasa pa rin ang karamihan na magbago ang desisyon ng nasa kinuukulan o di kaya ay makapagbigay sila ng alternatibong solusyon para sa problemang ito ng mga mag-aaral at guro.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment