Ang buhok ng isang tao lalong lalo na sa mga kababaihan ay napakahalaga at itinuturing pa nga bilang ‘crowning glory’.
Kaya naman, ang pagkawala nito o ang hindi inaasahang pagkapanot ay isang malaking problema para sa karamihan dahil sa takot na mahusgahan ng lipunan.
Kamakailan lang, isang netizen ang nagbahagi ng kanyang kwento at pinagdaanan sa sakit niyang Alopecia o ang grabeng pagkalagas ng buhok na kadalasan ay nagreresulta sa pagkapanot.
Ayon kay Nica Marie Domino, noong una ay inakala niyang makakatanggap siya ng mga panghuhusga dahil sa kanyang kondisyon ngunit, napatunayan niya na maraming mga tao ang mas pinapairal ang pag-iintindi at pagsuporta sa kanyang kondisyon.
Ayon kay Domino, ang klase ng Alopecia na mayroon siya ay ang unang uri nito na nagreresulta sa pagkapanot. Sa lagay na ‘yan, swerte pa umano si Domino dahil mayroong mga uri ng Alopecia na mas malala pa kaysa sa kanya. Iyon nga lang, wala pang nagagawang gamot para sa sakit na ito.
Aminado ang netizen na pinababa ng Alopecia ang kanyang confidence lalo na nung tuluyan itong napanot. Isa marahil umano sa naging sanhi ng kanyang Alopecia ay ang stress kaya naman, sinikap niya umano na maging masaya sa kabila ng kanyang kondisyon.
“Hindi ko alam na dahil lang sa stress magkakaganito nako. At ang ginawa ko nalang, lagi lang akong masaya, hindi masyado nagpapa-stress sa mga bagay bagay. At ngayon hindi ko masasabi na magaling nako dahil sa bawat pag iyak ko may nalalagas nanaman,” pagbabahagi pa ni Domino.
Napakasakit umano para rito na mawala ang kanyang buhok dahil mahal na mahal niya ito. Umabot pa umano sa punto na nawalan na siya ng pag-asa at sukong-suko na sa mga nangyayari sa kanya.
Gayunpaman, ipinagpasalamat pa din umano ni Domino na ito lamang ang ibinigay sa kanyang pagsubok dahil alam niya na mayroong mga tao na mas matinding sakit pa ang dinadanas kumpara sa kanya.
Kaya naman, ipinagpapasalamat niya umano ang mga taong tinanggap siya sa kabila ng kanyang kalagayan at hindi siya hinusgahan.
Sa ngayon, bumabalik na umano ang buhok ni Domino at malaki ang pasasalamat niya rito kahit paminsan-minsan ay bumabalik pa rin ang kanyang pagkapanot.
“Pero thankful ako kay Lord dahil binalik nya ung buhok ko at bago pa… Thankful pa din ako dahil ito lang ang binigay na pagsubok sa buhay ko hindi malala na sakit,” dagdag pa nito.
Mayroon namang ibinahaging payo si Domino para maiwasan ang ganitong sakit. Ani nito, kapag mayroon umano silang pagkapanot na napapansin sa kanilang buhok ay ‘wag itong balewalain at agad na magpakonsulta. Nakakatulong din daw ang hindi araw-araw na pagsha-shampoo dahil hindi umano maganda sa ulo ang kemikal nito.
Mensahe pa ng netizen sa mga katulad niyang dumaranas din ng Alopecia, sa kabila umano ng kanilang pinagdaraanan, dapat umano nilang tandaan na maganda pa rin umano sila kahit na wala silang buhok. Palagi lamang umanong magbaon ng ngiti ang mga ito dahil alam nilang malalampasan rin nila ang naturang sakit.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment