Emosyonal na humingi ng tulong kay Raffy Tulfo ang vlogger na si Toni Fowler para magpatulong na maaksyunan ang mga fake accounts nito na nagnanakaw ng kanyang mga vlog content.
Sa programa, ayon kay Fowler ay ilang beses niya na umanong ipinanawagan ang naturang mga fake accounts sa Facebook na hindi umano biro ang bilang ng mga followers at likes. Daan-daang libo at mayroon pa umanong milyong followers ang ilan sa mga ito na nakikinabang sa mga pinaghihirapan niyang mga videos o vlog.
Noong una, pinapabayaan lamang umano ni Fowler ang mga ito dahil sa pag-aakalang natutuwa o fans lamang niya ang mga ito. Ngunit, kalaunan ay hindi na umano nakakatuwa dahil sa pagre-reupload ng mga ito ng bawat vlog na kanyang ibinabahagi.
Umabot pa nga umano sa punto na milyon-milyon na ang views ng mga video na nire-reupload ng naturang mga fake accounts habang ang orihinal niyang video ay malayo pa rito ang mga views. Nasasaktan umano rito si Fowler dahil pinaghihirapan niya ang paggawa at pag-edit ng kanyang mga content.
Nakaka-relate naman sa problemang ito ni Fowler si Tulfo kaya nais niya umanong tulungan ang kapwa niya rin vlogger. Ayon kasi kay Tulfo, naranasan niya rin umano ang pinagdaraanan ngayon ni Fowler kung saan, ninanakaw at mas humahakot pa umano ng views ang kanilang mga video sa mga fake accounts.
“Ganun na ganun po ‘yung nagyari sa’min noon. Kaya nga po sabi ko, kailangan makausap kita dahil alam ko po ‘yung feeling. ‘Yung frustration, ‘yung anger, ‘yung anxiety na dumarami ‘yung mga fake accounts. Kung minsan, mas marami pa ‘yung videos nila kaysa sa video nung original, diba?
“Pinaghirapan po natin, up to the editing, and then mas maliit ang kita natin kaysa sa kanila. Sila ‘yung kumikita. ‘Yung iba nang-aasar pa,” pagbabahagi pa nga ni Tulfo.
Dagdag pa nga rito ni Fowler, ngayon umanong mayroong pandemya ay ang pagv-vlog lamang umano ang kanilang pinagkukunan ng pagkakakitaan kaya pinaghihirapan at pinag-iisipan nila araw-araw ang gagawing content sa vlog.
Kaya naman, masakit para kay Fowler na nanakawin lamang ito ng iba. Nakakawala rin umano ito ng gana lalo na’t nagagamit ng iba ang kanyang pangalan.
Dahil nga napagdaanan na ito dati nina Tulfo at natutunan na nila ang tamang paraan para mawala na ang mga nagre-reupload na ito ng kanilang video, tutulungan umano nila si Fowler na masolusyonan ang problema nito.
Seryosong problema umano ito na dapat masolusyonan kaya handa sila ni Tulfo na turuan si Fowler kung paano ang gagawin. Sasabihin umano nila ito kay Fowler off-air ngunit ipinangako nito sa vlogger na maaayos ang problema nito.
Maliban dito, inireklamo din ni Fowler ang mga pambabash sa kanya at sa kanyang anak kung saan labis itong nasaktan. Kaugnay nito, ipinangako din ni Tulfo na tutulong siya sa pagpapaimbestiga sa mga basher na ito lalong lalo na ang mga basher na nagsasabi ng masama patungkol sa kanyang anak.
Sa ngayon, pinayuhan muna ni Tulfo si Fowler na magpakatibay dahil sa tuwing ipinapakita umano nito na naaapektuhan siya at nanghihina ang loob, mas natutuwa at ginaganahan pa umano ang mga basher na ito ni Fowler na atakihin siya.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment