Hindi iniinda ng dating milyonaryo at negosyanteng si Wang Yan na mula China ang pagkaubos ng kanyang pera matapos nitong magdesisyon na sagipin ang mga kawawang aso na kakatayin sa iba’t-ibang lugar sa China.
Nagsimula ang mabuting aghikain na ito ni Yan nang mawala noon ang isa niyang aso. Hinanap ito ng negosyante sa iba’t-ibang mga lugar ngunit hindi niya pa rin ito mahanap. Hanggang sa naisipan nito na subukang hanapin ang nawawalang aso isa sa mga ‘slaughterhouse’ sa kanilang lugar sa Changchun, northeastern China na kumakatay ng mga aso.
Dito, hindi pa rin natagpuan ni Yan ang kanyang alagang aso. Ngunit, isang kagimbal-gimbal na tanawin ang sumalubong sa negosyante sa pagbisita nito sa naturang lugar. Nakita ni Yan kung paanong pinapatay, binabalatan, at hinihiwa-hiwa ang mga kawawang aso.
Dito napagtanto ni Yan kung gaano kasahol ang turing ng kanyang bansa sa mga aso. Kaya naman, isang bagay ang napagdesisyunang gawin ni Yan na siyang bumago sa kanyang buhay.
Sinimulan ni Yan na sagipin ang mga asong nakatakdang katayin sa kanyang bansa. Binibili niya ang mga ito sa abot ng kanyang makakaya. Hanggang sa nagresulta na nga ito sa tuluyang pagbili ni Yan sa isang slaughterhouse na ginawa niyang shelter ng mga nasagip at palaboy na aso.
Tinawag niya itong ‘Changchun Animal Rescue Base’ kung saan, mahigit sa 2000 na ang bilang ng mga asong nasagip at nabigyang tahanan mula nang simulan niya ang kanyang misyon.
“There are 215 dogs at the base now, mostly came from the slaughterhouses, saved by volunteers and brought here,” minsan pang saad ni Yan.
Iyon nga lang, ang kabutihang ito ni Yan ay nagresulta rin sa unti-unting pagkaubos ng kanyang yaman at pagkaroon niya ng mga utang. Upang mapanatiling bukas ang shelter, malaking halaga ang ginagastos dito ni Yan pambili ng mga gamot at pagkain ng mga aso.
Gayunpaman, hindi ito alintana ni Yan. Sa katunayaan, hindi niya hinihikayat ang pagbibigay sa kanya ng mga perang donasyon. Mas gusto nitong makatanggap ng mga donasyong gamot at pagkain para sa mga aso na umaasa sa shelter.
“I don’t accept cash donations, but instead hope to receive donations of food and other supplies for the dogs,” ani pa ni Yan.
Sa China, ang ‘dog meat’ ay isang tradisyunal na pagkain kaya naman hindi kataka-taka kung bakit talamak sa bansa ang pagkatay at ang bentahan ng karne ng aso. Mayroon kasing mga paniniwala ang mga Tsino kaya kumakain sila nito.
Sa katunayan, minsang naitala na nasa mahigit 18 milyon ang bilang ng mga asong kinakatay umano sa China kada taon.
Kaya naman, ang misyon at dedikasyong ito ni Yan sa pagsagip sa mga aso sa China ay kahanga-hanga. Kahit na ang naging kapalit ng kabutihang ito ni Yan ay ang pagkawala ng kanyang yaman, mas nangunguna pa rin sa puso nito ang kaligtasan at kalagayan ng mga asong kanyang nasagip.
Sa isang bansa na ang tradisyon ay hindi naaayon sa mga aso, talagang kahanga-hanga na mas pinili ni Yan na magpamalas ng kabutihan sa mga aso at isantabi ang lahat para rito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment