Wednesday, October 14, 2020

Mga Modules, Inilalagay sa Oven ng Isang Guro Upang Madisinfect


Maliban sa pagsisigurong tama at maayos na naibibigay sa mga mag-aaral ang mga learning modules, sinisiguro rin ng mga guro na ligtas ang mga ito sa COVID-19 at nadisinfect ang mga modules na ito para sa kaligtasan ng mga estudyante.

Kaugnay nito, isang kakaibang paraan ang ginagawa ng gurong ito mula Davao City Special School sa Bangkal, Davao City upang masiguro na nadi-disinfect ang mga module. Inilalagay lang naman kasi ni teacher Caroline Avelino ang mga module sa isang oven.

Bago ipamahagi ang mga modules at sa tuwing ipinapasa na ito pabalik sa kanya, inilalagay ito ng guro sa isang oven o ang tinatawag niyang ‘hot-air oven striliser’.

Ayon kasi kay Avelino, naisipan niya raw itong gawin matapos mapag-alaman na nase-sterilize ng oven ang mga N95 mask sa pamamagitan ng temperatura nito na aabot ng 80°c. Kaya naman, napagdesisyunan nito na subukan ding gamitin ang oven sa pagse-sterilize ng kanyang mga module.

Sa kabila ng init ng oven, hindi naman umano nasusunog sa loob nito ang module na gawa sa papel. Hangga’t hindi umaabot sa 200°c ang temperatura ay hindi naman daw nasusunog ang mga module.

Ayon kay Avelino, wala pa naman umanong pag-aaral na sumusuporta o nagpapatunay sa pagiging epektibo ng oven bilang isang sterilizer. Gayunpaman, sinubukan pa rin ito ng guro baka sakaling maging mabisa. 

Hindi rin kasi pwedeng gamitin sa mga module ang tinatawag na ‘autoclave’ sa pagdidisinfect dahil maaaring mabasa nito ang papel kung saan gawa ang module. Maliban dito, mayroon ding peligro sa katawan ang UV light galing sa naturang makina.




Sang-ayon naman umano ang mga magulang ng mga mag-aaral sa paggamit ni teacher Avelino ng oven sa pagdidisinfect sa mga module ng kanilang mga anak. Sa katunayan, masaya ang mga ito sa naturang hakbang ng guro upang masigurong ligtas ang kanilang mga anak mula sa COVID-19.

Sa kabila kasi ng bagong sistema ng edukasyon sa bansa kung saan hindi na muna pumapasok sa paaralan ang mga estudyante at inihahatid nalang sa bahay ng mga ito ang learning modules, mayroon pa ring pagkabahala na maaari pa ring maikalat ang COVID-19.

Kaya naman, kasabay ng muling pagbubukas ng klase ay ang paalala rin ng DepEd na panatilihing malinis at sumailalim sa health protocols ang mga gamit ng mga guro tulad ng mga learning modules na siyang ipinamimigay sa mga mag-aaral.

Para sa kaligtasan hindi lamang ng mga guro kundi pati na rin ng mga bata, kailangang idisinfect daw muna ng mga guro ang kanilang mga gamit at ang mga learning modules upang siguraduhing ligtas ang lahat mula sa COVID-19.



Ang hakbang na ito ni teacher Avelino ay pinuri naman ng mga netizen dahil sa pagsisikap nito na gumawa ng paraan para masigurong ligtas ang kanyang mga estudyante. Natutuwa ang mga ito sa ginawang diskarte ng guro para lamang maging ligtas ang pag-aaral ng mga bata mula sa COVID-19.


Magandang ideya umano ang naisipan ng guro para sa kaligtasan ng lahat kahit pa sabihin ng iba na hindi ito epektibo o di kaya ay hindi pa napapatunayan ang bisa nito. Ang importante raw ay ang ‘effort’ na ibinibigay ng guro para sa ‘safety’ ng kanyang mga estudyante.

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment