Friday, November 20, 2020

Dating Min4maliit na Kargador, Isa Na Ngayong Ganap na ‘Doctor of Education’


Sabi nga nila, ‘Ang buhay ay parang isang gulong. Minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba.’ Kaya naman, huwag kailanman mangmaliit ng kapwa dahil maaaring mabago ang buhay ng isang tao nang hindi namamalayan.

Gaya na lamang ng kwento ng buhay ni Johnny Viray. Mula sa napakahirap na buhay na kanyang pinanggalingan at pagtatrabaho bilang kargador, ngayon ay nakamit na ni Viray ang pangarap at isa ng Doctor of Education.

“Ang dating kargador na anak ng isang kobrador, ngayon ay isa nang doktor,” panimula pa ni Viray sa kwento ng kanyang buhay.

Ang nakaka-inspire na kwentong ito ni Viray ay ibinahagi niya sa Facebook group na DepEd Open Educational Resources. Dito, ibinahagi ni Viray kung paanong minaliit ito noon dahil sa kanyang pagkayod sa trabaho habang sinisikap na makapagtapos ng pag-aaral.

Dahil sa hirap ng kanilang buhay, hindi kailanman naranasan ni Viray na maghanda sa kanyang kaarawan noong bata pa lamang ito. Kahit na noong nagtapos ito ng highschool bilang Salutatorian ay walang anumang handa ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan ng buhay.

Hindi biro ang pinagdaanan ni Viray maitawid lamang ang high school. Pagbabahagi nito, pumapasok ito noon sa paaralan na tanging kape lamang ang laman ng kanyang sikmura kaya naman, bawat linggo ay nahihimatay ito sa klase.

Sa katunayan, sa sobrang hiya dahil tuwing linggo na lamang ito nangyayari sa kanya, maliban pa sa kanyang mga bayarin sa paaralan na hindi pa nababayaran ay tinangka ni Viray sumuko na lamang at tumigil sa pag-aaral.

Ngunit, isang guro ni Viray ang lumapit sa kanya at pinatatag ang kanyang loob. Mula dito ay ito na rin ang nagbibigay ng pagkain kay Viray upang hindi na ito magutom pa sa pagpasok. Payo daw sa kanya noon ng gurong ito, 

“Kung titigil ka kase gutom ka, lalo kang magugutom bukas kung hindi ka mag-aaral; may pag-asa pa.”


Bagama’t maayos na nakapagtapos ng highschool si Viray, panibagong problema na naman ang pagpasok nito sa kolehiyo. Dahil pa rin sa kahirapan ay hindi agad na nakapagkolehiyo si Viray at  nagdesisyon na magtrabaho na lamang bilang kargador.

Ayon kay Viray, hindi naman umano nito ikinakahiya ang pagiging trabahador ngunit, nahihiya daw siya sa kanyang dating mga kamag-aral dahil alam ng mga ito kung gaano kataas ang kanyang pangarap.

Kaya naman, laking pasasalamat nito sa isang guro na tumulong na mapa-aral siya sa kolehiyo kapalit nang pagtatrabaho nito sa kanya. Kahit mahirap, nalagpasan itong lahat ni Viray hanggang sa magtapos ito at makuha ang inaasam-asam na lisensya sa pagtuturo. 

“Naaalala ko non may nagsabi pa sa akin, utusan ka lang, kaya lalo kong ginustong matapos at nakuhang matapos sa kolehiyo bilang Magna Cum Laude,” kwento pa nito.

Ngunit, ipinagpatuloy pa ulit ni Viray ang pagsisikap at pag-aaral hanggang sa hindi na lamang ito isang guro kundi isa nang Doctor of Education matapos nitong magtapos kamakailan lang sa Don Honorio Ventura Technological State University.


Kaya naman, walang pagsidlan ang kasiyahan ni Viray para sa tagumpay na kanyang nakamit sa kabila ng mga pagsubok na kinaharap nito sa buhay. Ngayon, maipagmamalaki na nito na ang dating minamaliit na kargador, isa na ngayong ganap na doktor.

Source: noypiako


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment