Tuesday, November 3, 2020

Mimiyuuuh, Nagbigay ng House Tour ng Kanyang Bagong Bahay


Sa kanyang pinakabagong vlog, sa wakas ay ibinahagi na ni Mimiyuuuh sa kanyang mga viewers ang bagong bahay nito na katas ng kanyang pagsisikap sa pagv-vlog.

Isang house tour sa kanyang dalawang palapag na bahay ang handog ng vlogger kung saan, inilabot niya ang kanyang mga fans mula sa labas hanggang sa mga kwarto sa loob ng kanyang bahay.

“Pagkapasok ko po talaga dito sa bahay na ito, sobrang na-feel ko ‘yung ‘home’ kasi siguro, marami siyang plants… Parang ‘yung bahay na ‘to, hindi siya ganun kalaki pero, basta ‘pag na-feel mo ‘yung home vibe, ‘yun na po talaga,” pagbabahagi pa ng vlogger.

Hindi pa tuluyang nakukompleto ang mga gamit sa bahay na ito ni Mimiyuuh ngunit, kita na ang ganda nito lalong lalo na ang agaw-pansin nitong swimming pool sa kanyang bakuran. Pagpasok pa lamang sa kanyang bahay, ito agad ang diretsong makikita maliban na lamang sa kanyang malawak na sala at kusina.

Masayang-masaya raw ang mga magulang ni Mimiyuuh para sa naturang bahay kaya hindi na rin ito naghanap ng iba pa. Habang nililibot ang unang palapag nito, naibahagi rin ni Mimiyuuh ang kanilang pantry. Pagbabahagi ng vlogger tungkol dito, ‘first time’ ng kanyang pamilya na magkaroon ng pantry sa kanilang bahay. 

Sa unang palapag din makikita ang masters bedroom o ang kwarto ni Mimiyuuuh. Malawak ang kwarto nito kung saan kita ang magandang view ng swimming pool sa kanilang bakuran. Lumipat man ng bahay, dala-dala pa rin ni Mimiyuuuh ang kanyang ‘iconic’ na kulay pink na kabinet.


Mayroon na ring sariling walk-in closet ang vlogger kung saan, maayos niyang nailalagay ang kanyang mga damit at sapatos. 

Kung dati-rati ay sa iisang kwarto lamang natutulog ang buong pamilya nina Mimiyuuuh, sa ngayon ay mayroon na silang sari-sariling kwarto sa kanilang bagong bahay. Sa ikalawang palapag nito ay matatagpuan ang tatlong kwarto para sa kanyang mga magulang at mga kapatid.


Tig-iisang kwarto na ang kanyang mga kapatid at may sariling kwarto na rin ang kanyang nanay at tatay. Sa kwarto ng mga magulang ni Mimiyuuuh ay mayroong magandang balkonahe kung saan, maganda ang view na natatanaw.

Ayon kay Mimiyuuuh, ito raw ang isa sa mga pinakapaborito niyang tambayan sa bahay lalo na sa gabi dahil napapanood niya ang mga bituin. Kwento pa ng vlogger, nang mga unang araw ng paglipat nila rito ay madalas siyang humiga lamang sa balkonahe at panoorin ang mga tala.

Sa likurang bahagi ng kanyang bahay, mayroong parte rito na gusto sanang ipa-lanscape ng vlogger ngunit, dahil nahihilig sa pagtatanim ang kanyang mga magulang ay hinayaan niya na lamang ang mga ito na gawan ang parte ng munting garden.

Sa huling bahagi ng kanyang house tour ay nagpaabot si Mimiyuuuh ng pasasalamat para sa kanyang mga subscribers at nanonood ng kanyang mga vlog dahil ang mga ito ang dahilan kung bakit siya nakabili ng bahay para sa kanyang pamilya.

“This is the fruit of your hard work. You know what I’m saying? Gusto ko lang rin pong mag-thank you sa inyo kasi kung hindi naman po kayo nanonood ng aking mga video, eh di syempre hindi ko rin naman to mabibili. 


“So, ayun. Thank you, thank you, thank you guys,” mensahe pa ng vlogger.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment