Ang pagmamahal ng isang ina ay walang katumbas. Para sa kanyang mga anak, kaya nitong magtiyaga, magsakripisyo, at ibigay ang lahat ng kanyang makakaya para lamang maalagaan ang mga ito ng maayos.
Kaya naman, ganoon na lamang ang pagmamahal at pagrespeto na ipinamalas ng beauty queen na ito mula sa Thailand. Ang pagkakapanalo nito sa kanyang korona ay kanyang inaalay sa kanyang ina na nagtatrabaho bilang isang garbage collector.
Bilang pasasalamat sa ilaw ng kanilang tahanan, walang pag-aalinlangan na lumuhod si Khanitta sa harapan ng ina at hinalikan ang paa nito. Nanalo man ito ng korona, para kay Khanitta ay malaking bahagi nito ang kanyang ina kaya malaki ang pasasalamat at pagrespeto niya rito.
Hindi naging madali para kay Khanitta Phasaeng, o kilala rin bilang si Mint, ang kanyang pinagdaanan para mapanalunan ang korona bilang ‘Miss Uncensored News Thailand’. Taong 2015 noon nang mapanalonan ito ni Khanitta.
Galing man sa isang mahirap na pamilya, nagsumikap ang beauty queen sa kanyang buhay upang maabot ang kanyang pangarap. Ang kanyang nanay ay isa lamang garbage collector. Ngunit, kailanman ay hindi umano ito ikinahiya ng beauty queen.
Dahil sa kahirapan ng buhay, minsan ay hindi umano sila nakakakain ng sapat sa isang araw. Maliit lamang ang kinikita ng kanyang nanay na syang bumubuhay sa kanila at sapat lamang ito para sa kanilang pang-araw-araw. Mayroon din umanong mga pagkakataon na wala talagang kita ang kanyang nanay.
Kaya naman, mas nabigyan pa ng motibasyon si Khanitta na piliting abutin ang pangarap. Hanggang sa manalo na nga ito sa isang beauty pageant na kanyang sinalihan. Ikinatuwa naman ito hindi lamang ng beauty queen kundi pati na rin ng kanyang pamilya.
Ngunit, hindi pa man naipapasa ni Khanitta ang kanyang korona ay nagkaroon ito ng problema sa organisasyon. Nagkaroon ng panganib na tanggalin kay Khanitta ang korona dahil sa isang pagkakamali nito na natuklasan ng organisasyon.
Ayon dito, nagsinungaling umano si Khanitta tungkol sa isang aspeto ng kanyang buhay. Sa kanya kasing application form upang sumali sa pageant, inilagay nito na 17 taong gulang lamang siya nang magtapos sa mataas na paaralan.
Ngunit, napag-alaman ng organisasyon na hindi ito totoo dahil si Khanitta ay hindi naman talaga nakapagtapos ng highschool. Sa katunayan, hindi na ito nakapagpatuloy ng pag-aaral pagtungtong nito sa kanyang ikatlong taon sa highschool.
Gayunpaman, pinanindigan ni Khanitta na anumang pagkakamali sa kanyang aplikasyon ay walang kinalaman sa kanyang nararamdaman tungkol sa kanyang pinagmulan. Ayon sa beauty queen, kailanman ay hindi niya ito ikakahiya lalong lalo na ang kanyang nanay.
Kaya naman, nagdesisyon ang organisasyon na huwag tuluyang kunin kay Khanitta ang korona. Sa kabila kasi ng pagkakamali nito, hindi naman maitatanggi na karapat-dapat pa rin ang beauty queen para sa naturang parangal at pagkilala. Ang kababaang loob at pagrespeto nito sa mga tao sa kanyang paligid ay sapat na upang mapatunayan na isa itong tao na may mabuting puso.
Maliban pa dito ang kanilang paghangang naramdaman dahil sa laki ng respeto at pagmamahal ni Khanitta sa kanyang pamilya lalong lalo na sa kanyang ina.
Source: furrycategory
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment