Thursday, February 18, 2021

Pilipina na Dating Nakatira sa Skwater, Kauna-unahang Babaeng Presidente ng Isang University sa Amerika


Mahirap at madilim ang kinagisnang buhay ng Pinay na si Dr. Astrid Tuminez noong bata pa lamang ito. Kasama ang anim na iba pa nitong kapatid, nakatira lamang ito dati sa isang squatters area sa Pilipinas at halos wala nang pag-asa na ito ay umangat sa buhay.

Ngunit, matapos ang maraming taon na lumipas, si Dr. Astrid lang naman ngayon ang kauna unahang babaeng presidente ng isang Unibersidad sa Amerika. Siya ang pangpitong presidente nito ngunit, kauna-unahang babaeng presidente naman sa kasaysayan ng Utah Valley University (UVU) sa Estados Unidos.

Mula sa isang mundo ng kahirapan sa kanilang tirahan sa isang squatter sa Iloilo, hindi sinayang ni Dr. Astrid ang oportunidad na makapag-aral kahit sa murang edad. Limang taong gulang pa lamang umano ito nang mayroong mga madre na nagpunta sa kanilang tahanan noon at nag-alok ng tulong na pag-aralin si Dr. Astrid.

Pinag-aral ng mga ito si Dr. Astrid at ang kanyang mga kapatid sa Colegio del Sagrado Corazon de Jesus sa Iloilo. Dito ay nagsikap si Astrid kahit na noong una ay halos wala umano itong kaalam-alam. Pagbabahagi pa nito,

“A pivotal event changed the arc of my life when I was five years old… I was illiterate on the first day. In my school, the smartest child was put in the first seat, first row. The dumbest child was in the last seat, last row, and I was actually in the last seat, last row.


“But after a few months, I’m happy to report that I ended up sitting right in front.”

Itinuloy nito ang kanyang pag-aaral ng mabuti kung saan, natutunan pa nga ni Dr. Astrid na maging fluent sa pagsasalita ng anim na linggawahe. Kabilang sa mga linggwaheng ito ay ang French, Espanyol, at maging Russian. Laman umano ng lagi ng library noon si Dr. Astrid.


Nang makatapos ito ng elementarya, lumipad papuntang Maynila si Dr. Astrid upang ipagpatuloy ang pag-aaral nito sa Union High School. Taong 1982 naman nang mabigyan ito ng pagkakataon na lumipad sa Amerika at doon magpatuloy ng pag-aaral.

Nag-aral lang naman ito sa mga prestihiyosong paaralan tulad ng Harvard University at Massachusetts Institute of Technology o MIT. Natapos nito ang kanyang Master’s Degree sa pag-aaral ng Soviet Studies sa Harvard habang nagkaroon din ito ng PhD sa MIT para sa pag-aaral nito ng Political Science and Government.

Maliban sa pagiging kauna-unahnag babaeng Presidente nito ng UVU, si Dr. Astrid ay naging propesor din at kalaunan ay naging vice-dean ng Lee Kuan Yew School of Public Policy ng National University of Singapore.

Mula 2003 hanggang 2007 ay naging senior research consultant naman si Dr. Astrid ng US Institute of Peace kung saan, nakibahagi ito sa ginawang peace negotiations noon sa MILF. Ang isa naman sa kasalukuyang ginagampanan ni Dr. Astrid ay ang pagiging regional director for corporate, external, and legal affairs ng Microsoft Southeast Asia. 


Ang tagumpay na ito ni Dr. Astrid sa buhay ay isang patunay ng kahalagahan ng pagkakaroon ng edukasyon at ng pagpupursige sa buhay kahit na sa simula ay halos imposible ang magtagumpay.

Source: esquiremag

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment