Monday, March 29, 2021

Dahil sa Malunggay, Umunlad at Guminhawa ang Buhay ng Mag-asawang ito


Hindi kaila sa marami na ang malunggay ay may taglay na napakaraming benepisyo para sa katawan at kalusugan ng tao. Ngunit, nang dahil din sa malunggay ay umahon sa hirap at guminhawa ang buhay ng mag-asawang sina Merlita at Juan Salcedo.

Sina Merlita at Juan ay ang may-ari ng Super Moringa, isang sikat na malungay herbal product brand sa bansa. Ngunit, bago pa man nila maabot ang ganitong tagumpay sa buhay at negosyo, nagsimula muna sa napakahirap na buhay ang dalawa at ang kanilang pamilya.

Ayon kay Merlita, upang maitaguyod ang kanilang limang anak ay ilang mga negosyo na ang kanilang sinubukan. Ilang mga produkto na rin ang kanilang sinubukang ibenta sa pag-asang iaahon sila nito sa hirap.

“Nagstart kami na mag-isip ng hanapbuhay doon sa mga panahon na halos wala na talaga kaming mapagpiliang pagkikitaan.

“Marami kaming sinubukang mga negosyo. Ang aming pagsisimula noon, hindi ganoon kadali. Napakahirap talaga,” kwento pa nga ni Merlita.

Bago madiskubre ang malunggay, naranasan daw ng mga ito na maglako ng ice candy o ice buko para lamang maitawid ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. 

Dahil naman sa hilig ni Merlita sa mga herbal products ay nadiskubre nito ang malunggay at ang mga herbal products na pwedeng gawin mula rito. Ngunit, ang kanilang pagsisimula ay napakahirap din umano.


Sa katunayan, halos mapaiyak pa ito nang maibahagi ang tungkol sa hirap ng kanilang pagsisimula sa negosyo. Ngunit, dahil determinado ang mga ito na umahon sa hirap ay kinaya nila ang naturang hirap at mga pagsubok. Pagbabahagi pa nito,

“Sa totoo lang, ‘yung magpakilala ka ng produkto na hindi mo alam kung paniniwalaan ba ng tao ‘yung dala-dala mo, ito’y nasa maliit na botelya lamang…

“Pero ‘yung eagerness ko na makaahon sa paghihirap… naku napapaluha talaga ako. Kapag bumabalik kasi ‘yung ala-ala ng hirap ng buhay, humihina talaga ‘yung damdamin ko. Kasi, napakahirap maging mahirap… ‘yun ang totoo. 

“So ‘yun ‘yug nagtulak sa akin para pagsikapan naming mag-asawa na makaahon.”

Upang makapagsimula, humiram pa raw ng halagang Php14,000 ang mag-asawa bilang puhunan. Sinimulan umano ng mga ito ang kanilang negosyo sa mga produktong aromatherapy oils at mga haplas. Dahil sa kanilang pagsisikap, lumago naman ito at maayos na itinataguyod ngayon nilang mag-asawa katuwang ang kanilang mga anak.

Maliban sa pag-unlad ng kanilng negosyo, nakatanggap na rin ng maraming pagkilala ang kanilang negosyo tulad na lamang ng pagkilala sa Super Moringa bilang Gawad Maunlad National Grand Winner, World Class Philippine Brand at Most Outstanding and Trusted Herbal Product Brand.

Sa ngayon, may kanya-kanyang tungkulin sa kanilang kompanya ang kanilang mga anak para sa pagpapalakad nito. Maliban dito, masaya rin ang mag-asawa dahil nakapagbibigay na din sila ng hanapbuhay sa ibang mga tao.

Ngunit, ayon kina Merlita at Juan, ang pagiging buo nilang pamilya sa pamamahala sa Super Moringa ang pinakamagandang naging dulot ng naturang negosyo sa kanila. Ani pa nga nito,


“Ang pinakamagandang nangyari sa pagsisimula naming mag-asawa sa Super Moringa, nahikayat namin ang lahat naming mga anak na siya naming katulong dito sa hanapbuhay na ito. Itong negosyo namin na ito matatawag ko na negosyo talaga na pampamilya,”

Source: kickerdaily

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment