Hindi biro ang pinagdaanan ni Dr Ismael Parcon Jr. ng Banga, South Cotabato upang makamit nito ang pangarap na maging isang ganap na doktor. Limang buwan kasi bago ang Physician Licensure Board Exam ay isang malaking pagsubok ang pinagdaanan nito.
Panglima sa anim na magkakapatid, hindi pagdo-doktor ang unang naging pangarap ni Dr. Parcon bagama’t ang kanyang ama at mga nakatatandang kapatid ay mga doktor din ang propesyon.
Gayunpaman, kalaunan ay minahal na rin nito ang pagdodoktor kaya ito nagsikap na maabot ang pangarap na pangarap din para sa kanya ng ama. Ayon kay Dr. Parcon, bagama’t doktor ang kanyang ama, hindi umano sila mayaman.
Sa katunayan, kinailangan pang ibenta ng kanilang mga magulang ang ilan sa kanilang mga lupain upang makapagpatuloy sa pag-aaral ng medisina ang kanyang mga kapatid. Bilang doktor sa isang pampublikong ospital, namulat umano si Dr. Parcon sa ginawang pagtulong ng kanyang ama sa mga mahihirap.
“Even if my father is a doctor, we are not rich. That’s because he sometimes doesn’t ask for payment from his patients. If they pay him less than P500, he gives it back saying it means that this patient has nothing else,” pagbabahagi pa nito.
Ilang buwan bago ang Physician Licesure exam ay nasa South Cotabato Provincial Hospital si Dr. Parcon bilang isang intern. Bandang Hunyo, 2020 nang una niyang mapansin ang ilang mga pagbabago sa kanyang katawan kaya minabuti nitong kumonsulta sa isang neurologist.
Dito na nga natuklasan sa kanyang MRI result ang 6x3 centimeters na brain tumor sa kanyang left frontal lobe na siyang responsable sa kanyang memorya, motor skills, at cognitive functions. Hindi halos makapaniwala si Dr. Parcon tungkol dito habang patuloy din na lumalala ang kanyang brain tumor.
Hanggang isang buwan matapos malaman ang kanyang kondisyon ay minabuti ng kanyang nakatatandang kapatid na doktor rin na isailalim siya sa isang 24 oras na open brain surgery sa Quezon.
Isang araw bago ang kanyang kaarawan, tuluyang isinagawa kay Dr. Parcon ang operasyon noong ika-3 ng Oktubre. Matagumpay naman ang operasyon at mas bumuti na ang kalagayan ni Dr. Parcon. Ngunit, habang nagpapagaling ay lumabas din ang iba pang mga epekto ng operasyon gaya ng unti-unting pagkawala ng kanyang memorya.
Dahil dito kaya hindi halos masimulan ni Dr. Parcon ang pagrereview sa paparating na board exam. Dito niya na umano nagsimulang tanungin kung bakit ito nangyayari sa kanya. Pagbabahagi pa nito,
“I found myself questioning God. Why did it happen to me? Why me? But I got to know Dr. Leo Trinidad while I was in ICU. He was the one who helped me get to know God more.”
Ngunit, sa kanyang patuloy na pananalig ay tuluyang sinimulan ni Dr. Parcon ang kanyang pagrereview noong Enero ng kasalukuyang taon, mahigit isang buwan na lamang bago ang Physician Licensure board exam. Hindi pa rin tuluyang bumabalik ang kanyang memorya ngunit, sa pagdadasal at pagsisikap ay nagawa pa rin nitong i-take ang pasulit.
At nagbunga na nga ang pananalig at determinasyon na ito ni Dr. Parcon dahil isa lang naman ito sa mga pumasa sa ginanap na Physician Licensure Board exam nitong ika-16 ng Enero. Nalagpasan nito ang napakalaking pagsubok sa kanyang buhay at nakamit ang kanyang pangarap.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment