Kamakailan lang, humingi ng tulong sa programa ni Raffy Tulfo ang mga dog lovers na sina Jocelyn Ayson at Karla Zulueta na naloko umano ng isang nagbebenta ng imported na aso. Matapos nilang magbayad ng malaking halaga ay wala umanong maibigay na dokumento ang seller na si Marvelous Alejo.
Ayon kay Ayson, bumili umano siya rito ng isang aso na nagkakahalagang Php 430,000 na imported mula sa China. Natapos niya na umano itong bayaran maging ang shipping fee na umabot pa sa Php 12,700.
Ngunit, bago pa man ito makarating kay Ayson ay namatay umano ang aso kaya papalitan na lamang ito ng seller. Napag-usapan daw nila na maagang idedeliver ang aso sa kanila ngunit, gabi na raw ito nang dumating.
Nang dumating na ang aso sa kanila, napansin umano ni Ayson na mukhang mayroon itong sakit dahil mukha itong sinisipon. Nag-alala naman dito si Ayson kaya ipinatingin niya agad sa beterinaryo. Dito ay agad din na inabisuhan umano si Ayson na ipa-confine na lamang ang aso at doon na nga nalaman na positibo ito sa distemper virus. Kinabukasan ay tuluyang namatay ‘yung aso.
Samantala, ang inirereklamo naman ng pangalawang complainant na si Zulueta ay mukhang ibang aso umano ang ibinigay sa kanya dahil sa magkaibang kulay nito. Maliban pa rito ay wala ring maibigay na mga karampatang dokumento si Alejo nang hingan niya ito ng mga patunay o papeles tungkol sa aso na galing din daw sa ibang bansa.
Nakausap naman ng programa ang seller na si Alejo at nagbigay ito ng pahayag tungkol sa kung ano ang nangyari. Ayon dito ay kaya raw marahil namatay ang aso ay dahil sa biyahe nito papuntang Baguio kaya nakaranas ito ng stress.
Ngunit, ayon sa beterinaryo nina Ayson ay posibleng maroon na umanong sakit ang aso at walang kinalaman ang byahe kung bakit ito namatay gaya ng idinadahilan ng nagbenta nito.
Samantala, kinwestyon naman ng PAWS ang insidente kung bakit umano nakapasok sa bansa ang naturang mga aso kung wala umanong maipakitang karampatang papeles ang seller nito. Dahil umano dito kaya malaki ang posibilidad na smuggled pa ang naturang mga aso.
Nagbigay naman uli ng depensa si Alejo at sinabing kumpleto umano sa mga dokumento ang naturang mga aso at maging ang pagbebenta niya sa mga ito. Ngunit, wala umano sa kanya ang naturang mga permit at dokumento dahil ang broker umano na pinagkukunan niya ng aso ang mayroon noon at hindi siya. Gayunpaman, maayos umano ang kanyang pagbabayad ng buwis at legal ang kanyang negosyo.
Ayon naman kay Zulueta, napuntahan niya na rin umano ang broker na sinasabi ni Alejo na pinagkunan niya ng aso at nakumpirma niya rito na hindi raw doon galing ang aso. Maliban dito, nakumpirma niya rin na wala umanong microchip ang naturang aso na ideneliver sa kanya na katibayan sana na galing ito sa ibang bansa. Ibig sabihin raw nito ay nagsisinungaling ang seller at galing lamang sa bansa ang aso.
Maging si Ayson ay naghanap din umano ng mga papeles ngunit, wala rin umano itong maibigay gaya ng proof of travel. Ayon sa mga ito, maliban sa refund ay gusto lang din nila na makapagbigay ng kamalayan sa iba pa na maaaring naloko rin ng naturang seller.
Samantala, nangako naman si Tulfo at ang programa nito na iimbestigahan nila ang naturang kaso at aalamin nila kung ano ang katotohan sa likod nito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment