Wednesday, September 1, 2021

Mura, Napaiyak Nang Mabalitaan ang Pagpanaw ni Mahal; Inakalang Fake News Lamang Ito


Hindi halos makapaniwala si Mura, o Allan  Padua sa totoong buhay, na pumanaw na ang kanyang kapartner sa komedya at malapit na kaibigang si Mahal. Nito lamang Martes ay biglaan ang naging pamamaalam ni Mahal, o Noemi Tesorero, dahil sa digestive complications at COVID-19.

Ilang linggo bago ang nakakalungkot na pangyayaring ito, nagawa pang bisitahin ni Mahal si Mura sa Guinobatan, Albay kung saan, nakapag-abot pa ito ng tulong para sa kaibigan na matagal-tagal na ring hindi nakikita ng publiko.

Kaya naman, inakala ni Mura na pekeng balita lamang umano ang ulat na pumanaw na si Mahal. Hindi niya halos paniwalaan ang balita dahil masiglang-masigla pa ito nang magkita sila kamakailan lang.

“Hindi nga ako makatulog masyado. Nagbigla ako. Hindi ko alam, hindi ako naniniwala e, hanggang ngayon. Hindi talaga ako naniniwalang si Mahal patay na. Hindi naman ata totoo 'yan fake news naman ata 'yan e,” saad pa ni Mura.

Sa isang panayam ay inalala nito ang naging pagkikita nila ng kaibigan na aniya ay siyang unang nagpunta o bumisita sa kanilang buhay mula nang namahinga siya sa showbiz. Pagbabahagi pa nito,

“Sabi ko maniwala kayo, diyan fake news lang 'yan, tapos nalaman ko nga dun sa nagba-vlog sa akin dito na totoo nga…. Hindi ko pa maiisip na 'yun ang mangyayari sa kanya. 

“Ang lakas-lakas niya pa nang pumunta dito, 'yung 'di ko alam kung paano ko paniniwaalaan eh bigla eh. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam. Ang saya saya namin dito eh.”.

Ikinwento niya rin sa naturang panayam kung gaano kabuti si Mahal bilang isang kaibigan. Sa katunayan, mayroon pa raw sanang plano si Mahal na sunduin si Mura papuntang Maynila at isali ito sa kanilang pagv-vlog.



Gagawa rin umano sana sila ng pelikula, --- ang unang pelikula na pagsasamahan sana nila dahil kahit na madalas ay sila ang magkasama sa mga proyekto, hindi pa sila kailanman nagsama sa pelikula.

“Meron na sana kaming gagawin lalo na pelikula, eh hindi ko pa talaga siya nakasama sa pelikula sa mga ano lang gag show sa TV kasama ko siya pero sa pelikula never ko pa siyang nakasama,” ani pa ulit ni Mura.

Gaya rin ng saad ng ilan sa mga nakapanood sa huling pagkikita nila ni Mahal, napansin din umano ni Mura na animo’y namaalam na sa kanya ang kaibigan noong mga panahong iyon. Kwento niya pa nga,

“Sabi niya sa akin, 'Huwag kang mag-alala, Mura. Kahit ano pasensyahan mo na itong konting tulong ko pero kahit matanda na ako'... Sabi nga niya, 'Kahit wala na ako tutulungan pa rin kita.' Parang kakaiba di ba parang 'yung namamaalam ka sa akin na ganon, dinaan lang namin sa biro-biro 'yun.”

Hindi na nga nito napigilan ang kanyang emosyon at bumuhos na ang luha ni Mura nang magbigay ito ng mensahe para sa kaibigan. Gustuhin niya man umano magpunta sa burol nito, hindi nito magawa dahil na rin sa sitwasyon ngayon.


“Mahal, sana masaya ka sa iyong paroroon at nagpapasalamat ako sa 'yo at pinuntahan mo ako dito. Binigyan mo ako ng tulong. At sa mga kamag-anak niya, nakikiramay ako, gustuhin ko man na pumunta diyan pero papaano, mahirap ngayon eh. Pasensya na po,” ang mensahe pa ni Mura.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment