Bago pa man nanalasa ang bagyong Odette, maraming mga tao ang nakaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig. Maraming mga biktima ng bagyo ang nangangailangan ng sapat na suplay ng tubig.
Ngunit, sa lugar na ito, hindi na problema ang suplay ng tubig. Una itong namataan ni Kapitan Nick Ramos, 57, ang mga waterfalls ng Mt. Labawan noong Hulyo 2019.
Nang makita niya ang lakas ng waterfalls—na tinatawag ding busay at talon—nabuo sa isip niyang maaari itong maging pinaka-water source ng buong barangay ng San Roque, Mabini, sa Bohol.
Si Kapitan Nick, kung tawagin ay chairman, ang chairman ng Barangay San Roque.
Kuwento ni Kap Nick, “Umakyat kami sa bundok. May kumpanya na maglalagay ng tower para sukatin ang lakas ng hangin.
“Pag pasado ang lakas ng hangin, magtatayo sila ng windmills para sa kuryente.”
Ang nasa isip niya noon ay magiging tourist attraction ang windmills kapag matutuloy ang nasabing proyekto.
“Parang sa Ilocos ba," aniya, na ang tinutukoy ay ang Bangui Wind Farm sa Ilocos Norte. Mayroon itong 20 wind turbines na 230 feet ang taas at nakatayo sa 9-kilometer shoreline ng Bangui Bay.
"Nang pabalik na kami, nakita ko iyung mga busay. Ang lakas ng buhos ng tubig—at ang linis!
“Naisip ko, dahil nasa itaas, sa pamamagitan ng gravity lang ba, mapapaagos papunta sa barangay namin ang tubig.”
Mahabang panahon nang problema ng kanilang lugar ang supply ng tubig.
“Nagbubutas lang kami sa lupa para gumawa ng balon," sabi ni Kap Nick. "Inaabot ng sampung tubo ang lalim. Minsan wala namang tubig.”
Ang proyekto na ito ay inilapit niya sa mga local officials tungkol sa nakita niyang waterfalls.
Nguni't hindi naging maganda ang kanilang unang pag-uusap.
Pag-alala nito sa local official, “Hindi kasi ako nag-support sa kanya noong eleksyon. Sabi ko sa kanya, hindi naman para sa akin iyung project na naisip ko kundi para sa buong barangay.”
Dahil hindi sila nagkasundo at dala na rin ng frustration, nakapagbitaw raw siya ng maanghang na salita sa opisyal.
“Sabi ko sa kanya, ‘Kung ayaw mong magbigay ng pondo, i-challenge kita. Magputol man ako ng mga kawayan, pagdugtungin ko. Ipakita ko sa iyo na mapaagos ko ang tubig sa barangay namin.’”
Hindi naman nagtagal ay nagkasundo rin sila ng local official, at pumayag na ito sa kanyang proposal.
“Iyung pondo para sa drilling ng mga balon sa amin, ini-realign na lang para sa linya ng tubig. May isa ring barangay chairman na tumulong sa akin, na iyung pondo naman para sa pagtatayo ng palengke, nag-sponsor siya na ma-realign din at magamit muna ng aming barangay.
“Ang iba kasing barangay, may sariling water source na. Kami, wala pa.”
Ayon kay Kap Nick, ang kanyanh barangay ang siyang pinakamalaking barangay sa 22 barangays ng Mabini, Bohol.
Mayroon itong 728 households at 2,800-plus na residente—at lahat ay makikinabang sa tubig mula Mt. Labawan.
Ayon pa sa kanya, bago pa niya nakita ang waterfalls sa Mt. Labawan, natupad na niya umano ang pangakong patubig para sa kanyang nasasakupan.
“Thirty thousand pesos ang ini-allocate naming budget para sa Purok 1, 3, at 5, at may counterpart din ang LGU sa tulong ng butihin naming Mayor.
“May tangke iyon na kasya ang 1,500 liters na tubig.
“Pero malakas sa kuryente. Saka baka matuyo rin ang balon. Hindi sustainable ba.
“Kaya naisip ko, kung galing sa bundok, hindi na magastos sa kuryente. Dahil sa gravity, kusa nang aagos ang tubig.”
Masayang ibinalita ni Kap Nick na mayroon ng mga faucets. Dumaloy na ang tubig mula sa Mt. Labawan patungo sa mga kabahayan ng kanilang barangay.
“Ngayon bawat bahay may faucet na!” masayang pagbabahagi ni Kap Nick. "Sa pagtutulungan ng buong council ng Barangay San Roque kaya na-realize itong proyekto."
Laking pasasalamat din ni Kap Nick sa mga LGU officials sa pamumuno ni Mayor Jun L. Jayoma sa all-out support sa mga proyekto sa kanilang barangay.
Pero, hidndi pa umano rito natatapos ang problema, sa sobrang lakas ng daloy ng tubig, madadalas nasisira ang mga coupling.
“Sa sobrang lakas ng agos, madalas nasisira ang mga coupling na nagdudugtong sa mga tubo.
“Kaya hindi namin isinasarado nang todo ang faucet kasi pumuputok ba. Kailangan ma-release iyung pressure.”
“Malinis iyung tubig kasi malinis ang source. Wala ring nakatira sa bundok kaya hindi contaminated. Pero, mabuti na ang mag-ingat.
“Sabi ko gamitin lang munang panlaba at panlinis. Huwag munang iinumin.”
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment