Hindi sukat akalain ng isang single mom na si Vannerie Picar na aabot ang kanyang kita sa higit tatlong milyong piso dahil sa kanyang pag o-online selling.
Noong January 8, 2022, nag-post si Vannerie sa Facebook na pakiramdam niya ay hindi totoo ang mga nagaganap sa kanyang buhay.
“Na-o-overwhelm po ako and I have no words to express how I feel," caption pa ni Vannerie sa kanyang post.
Nakapanayam ng "Kapuso Mo Jessica Soho" si Vannerie na kung saan na-feature siya dahil sa kanyang kahanga-hangang success.
Gamit lamang ang kanyang puhunang Php 3,500, nag-umpisa si Vannerie na magbenta ng beauty products online.
Ngayon, hindi niya akalain na kumikita siya ng tumataginting na Php 3.4 milyon.
Si Vannerie ay isang dating guro. Napilitan siya na mag-resign dahil sa kanyang delicate pregnancy taong 2018.
Mas lalo pang naging mahirap para kay Vannerie nang lokohin siya ng lalaking nakabuntis sa sa kanya.
“Habang buntis ako, muntik nang mamatay yung baby ko.
“Nung iniluwal ko naman siya, pahirapan ang paghingi ng sustento at suporta kaya pinilit kong tumayo sa sarili kong paa.
“Bilang single mom, isa kasi sa mga struggle namin yung panghihingi ng sustento, ng supporta.
“Gusto kong iangat ang image naming mga single moms na kaya namin. Kaya naming umangat," pagbabahagi niya sa panayam ng KMJS.
Nagtrabaho muli si Vannerie bilang isang call center agent. Ngunit, hindi umano sapat ang kanyang sahod para sa kanilang mag-ina.
Dito, naisipan niyang pasukin ang online selling. Pinasok niya ang business na ito na may Php 3,500 lang na puhunan.
Kuwento niya, “Dahil madaming gusto magpaganda, skin care yung tingin kong puwede mabenta.
“Nagsimula akong maghanap ng supplier, kaso meron silang minimum requirement na halagang 7,500.”
Dahil kulang ang hawak niyang pera, naghanap siya ng distributor.
“After one to two days ay nakahanap naman ako. Pumayag siya na kahit 3,500 lang ay magsimula na ako.”
Hindi rin nakaligtas si Vannerie sa mga pagsubok na naranasan din ng iba pang mga sellers.
Nagkaroon siya ng mga bogus buyers.
Aniya, “Minsan kasi may mga customers na wala palang ready na pambayad. Minsan nagti-trip lang silang umorder.”
Naiiyak niyang sambit, "Noong una, medyo masakit sa akin kasi pagbalik sa iyo, sira na. 'Tapos di mo na magagamit, di mo na maititinda.”
Na-frustrate siya at inisip na mag-quit na lang.
“Sabi ko noon, tumigil na kaya ako?”
Hanggang sa nakaisip siya ng isang marketing strategy na kung saan tina-try niya mismo ang mga products na binebenta niya para ipakita kung gaano ka-effective ang mga produkto.
Ginamit niya mismo ang mga beauty products, at saka gumawa ng mga before-and-after videos. Kaya nakita mismo ng mga interesadong bumili na ang dating magaspang na bahagi ng mukha niya ay naging flawless, at ang maitim ay pumuti.
Dito, mas dumami ang mga customers ni Vannerie at marami na ang tumatangkilik sa kanyang mga beauty products.
"Hindi ko inaakala na mararating ko yung Php 3.4 million na total purchases ko. Noong nakita ko iyon sa TikTok region, iyak nang iyak talaga ako.
“Nag-flashback lahat ng hirap na pinagdaanan ko bilang ina, bilang worker, bilang online seller, bilang isang anak."
Nilinaw naman ni Vannerie na ang Php 3.4 milyon na kita niya ay total purchases na umano ito sa isang taon.
Dagdag pa niya, “And also parang gross sale. Hindi siya yung tinubo mo mismo.
“So, yes, I am not yet a millionaire po. Clear ko lang sa mga di nakapanood. Marami kasing nagwa-warning sa mama ko na baka mapaano daw kami. Baka makidnap etcetera.
“Request ko lang po, maging masaya na lang po tayo sa segment kasi ang goal po namin ay ma-share ang struggles and wins ng mga single parent.
"At kahit anong pagsubok ay huwag tayong susuko," aniya.
Source: PEP
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment