Saturday, August 20, 2022

Isang pusa ang nagtungo sa isang ospital dala-dala ang kaniyang may sakit na kuting!

Marahil marami sa atin ang nakaranas nang mag-alaga ng hayop partikular na ang mga pusa, aso, ibon, at marami pang iba. Kung malambing at maingay ang mga aso habang ang mga ibon ay madalas na nasa loob lamang ng kanilang kulungan, ang mga pusa naman ay tila may sariling mundo at palaging nakatahimik lamang sa isang tabi.

Ngunit sa oras pala na magkaroon na ang mga ito ng sarili nilang anak ay magbabago ang kanilang ugali. Tulad na lamang ng isang mother cat na ito na namataan sa isang ospital sa Istanbul, Turkey.

Dala-dala kasi nito sa kaniyang bibig ang kaniyang kuting na mayroong karamdaman. Isang netizen ang nagbahagi nito online nang siya ay kasalukuyang naghihintay sa emergency room ng naturang ospital.

Bigla na lamang raw may pumasok na isang pusa na mayroong dalang kuting sa kaniyang bibig. Kapansin-pansin na payat ang nanay na pusa gayundin naman ang kaniyang kuting.

Nang makita ito ng mga staff ng ospital ay agad din naman tiningnan ang mag-inang pusa. Nang tingnan na ng mga staff ang kalagayan ng kuting ay tila matiyagang naghihintay ang nanay nitong pusa sa kaniyang anak.

Hindi rin nagtagal at binigyan na nila ng makakain at ng gatas ang nanay na pusa. Kalaunan ay dinala na sila sa isang veterinary clinic.


Samantala, marami naman ang humanga sa nanay na pusa dahil sa pambihirang ginawa nito upang mailigtas ang kaniyang anak na may sakit. Hindi lamang pala tayong mga tao ang mayroong kakayahan na ingatan at protektahan ang ating mga anak kundi maging ang mga hayop rin na ito tulad ng pusang ito na hindi nakatakot na ipasuri ang kaniyang kuting sa ospital.

Isa rin itong paalala sa ating lahat na iba pa rin talaga ang pagmamahal ng ating mga magulang. Kung kaya naman huwag sana natin silang kalimutan at balewalain lalo na kung sila naman ang nangangailangan ng ating tulong.


No comments:

Post a Comment