Tuesday, September 20, 2022

Babae, nasaksak ang sariling mata habang nagkikilay



Isa ka ba sa mga laging nagmamadali at wala ng panahon para mag-ayos ng sarili kaya naman ginagawa na lamang ang pagmamake-up o pagkikilay sa loob ng sasakyan?



Madalas ay ganito ang ginagawa ng mga kababaihan sa tuwing nagmamadali sila at wala ng oras upang ayusan ang sarili. Ngunit ang hindi alam ng nakararami ay delikado pala ito.



Sa Bangkok, Thailand, nakakalungkot ang nangyari sa isang babae matapos nitong matusok ang sariling mata habang nagkikilay.



Imbes na makatulong ang ginagawang pagkikilay upang siya ay gumanda, ito pa ang naging dahilan ng pagkasira ng kanyang mukha.



Ayon sa ‘Daily Insights’, bumangga umano ang sinasakyang taxi ng babae sa isang pick-up truck habang siya ay nagkikilay. Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay aksidenteng nasaksak ng babae ang kanyang mata.



Bumaon ang halos kalahating haba ng lapis na ginagamit ng babae sa kanyang mata.

Agad siyang dinala sa ospital upang maisagawa ng operasyon. Ayon sa mga doktor, sa kabutihang palad ay nasa mabuting kalagayan at wala na sa kritikal na kondisyon ang kawawang babae.



Mabuti na lamang daw at sa puting parte ng mata (sclera) at hindi sa itim naitusok ang lapis, kung hindi ay siguradong bulag na ang babae.




Sa ngayon ay maayos na ang kanyang lagay at natanggal na rin ang lapis.
Ang taxi driver naman ay ligtas at nasa kabutihang kalagayan. Nagtamo lamang ito ng ilang pinasala sa katawan.


 

Sana ay magbigay babala at aral ito sa ilang kababaihang nagmamake-up sa loob ng sasakyan lalo na kung ito ay umaandar. Laging mag-iingat at piliing gawin ang mga bagay na ito sa mas ligtas na lugar.


No comments:

Post a Comment