Monday, September 5, 2022

Japanese at Siberian flying squirrels, itinuturing na pinaka-cute na hayop sa buong mundo!

Talaga namang patok na patok sa publiko ngayon ang mga flying squirrels na ito na mayroong malalaking mga mata na animo’y mga cartoon character, napakaliit din nila at talaga namang sobrang cute! Sila ay matatagpuan sa Japan (Japanese dwarf flying squirrel) at sa ilang bahagi ng Europa (Siberian flying squirrel).

Sa Honshu at Kyushu islands ng Japan lamang makikita ang mga “Japanese dwarf flying squirrels”. Nakatira ang mga ito sa “evergreen” at “alpine forest”.

Talagang noon pa man ay sobrang liit na ng mga ito. Ang haba nila ay nasa 20 sentimetro lamang habang ang kanilang mga buntot naman ay nasa 14 na sentimetro.

Sadyang napakahirap din nilang makita dahil sa kayang-kaya nilang magtago o mag-camouflage sa mga puno. Ang kanilang mga kulay kasi ay kahalintulad din ng kulay ng mga punong ito.

Kahit pa “Japanese dwarf flying squirrels” ang tawag sa kanila, hindi sila nakakalipad bagkus ay dumadausdos lamang ang mga ito. Ang karaniwang kinakain nila ay mga buto, prutas, at mga dahon.

Madalas silang namamataan sa mga siwang ng mga puno. Hindi man sila madalas na makita o mamataan ay wala namang dapat ipag-alala ang publiko dahil sa marami pa rin ang kanilang bilang.
Maliban sa kanilang lahi ay mayroon pang “Siberian flying squirrel” na nakatira naman sa kanilang dako ng mundo. Kilala rin sila bilang “Ezo Momonga”.

Pareho din sila ng sukat ng “Japanese dwarf flying squirrels”. Sa halip na kulay kayumanggi ang kanilang kulay ay kulay abo ito. Naninirahan ang kanilang lahi sa Northern Europe – mula sa Baltic Sea hanggang Siberia.

Aktibo ang mga hayop na ito tuwing gabi at madalas rin silang nasa siwang ng mga puno. Pagdating sa hitsura at pagkain ay wala silang pagkakaiba sa mga “Japanese dwarf flying squirrels”.

Hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang talagang naku-cute-an sa mga hayop na ito.


No comments:

Post a Comment