Ang pagdiriwang ng kaarawan para sa nakararami sa atin ay isa sa pinakamahalagang selebrasyon na ipinagdiriwang natin. Biyaya kasi itong maituturing dahil hindi naman lahat tayo ay nakakapagdiwang pa ng ating mga kaarawan nang matagal na panahon.
Kung kaya naman para sa isang animal shelter, nais din nilang ipagdiwang ang kaarawan ng isa sa pinakamatandang hayop dito. Isang Chihuahua ang nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa isang animal shelter.
Siya ang pinakamatandang aso roon. Siya ay 23 taong gulang na. Hindi nalimutan ng mga staff ng animal shelter ang kaniyang kaarawan kung kaya naman talagang naglaan sila mg birthday party para lamang sa kaniya.
Ang asong ito ay nakilala bilang si Bully. Talaga namang “masculine” ang kaniyang pangalan ngunit napakabait at napakasigla nito. Dahil sa pagiging natural na mabait ni Bully ay talagang todo effort ang mga staff sa pag-aayos ng kaniyang party.
Sila ang nag-asikaso ng dekorasyon, lobo, birthday hat, at maging ng birthday cake nito. Si Bully ay dinala sa shelter ng kaniyang dating amo dahil hindi na siya nito kaya pang alagaan sa rason na siya ay matanda na.
Buti na lamang at ang may-ari ng shelter na sina Christ at misis nito ang nag-aalaga kay Bully noon pa man. Para sa kaarawan nito ay pumili sila ng mas malambot na mga cookies dahil wala na ring ngipin ang aso.
Sa ngayon, hindi batid ng mag-asawa kung hanggang kailan na lamang siya magtatagal dahil sa kaniyang katandaan ay marami na rin siyang naging komplikasyon at karamdaman. Kung kaya naman malaking bagay na rin na nagawa nilang maipagdiwang ang ika-23 taon niyang kaarawan.
Marami din silang kinuha na mga larawan upang makapagbigay din sila ng pag-asa at inspirasyon sa nakararami. Tunay nga na mapalad si Bully dahil mayroong mga taong tunay na nagmamalasakit at nagmamahal sa kaniya sa animal shelter na ito.
No comments:
Post a Comment