Para sa maraming mga Pilipino, hindi kumpleto ang kanilang kabataan kung hindi nag-aalaga ang kanilang pamilya ng aso o di kaya naman ay pusa. Marami pang ibang mga pets o alagang hayop na nakahihiligan natin sa ngayon tulad na lamang ng mga kuneho, hamsters, isda, ibon, exotic pets, at marami pang iba.
Ngunit kung inaakala nating mga pets lamang sila, nagkakamali tayo – dahil tulad ng marami sa atin ay mayroon din silang mga bagay na talagang pinapahalagahan. Talaga namang marami ang naantig sa footage na ito ng isang nanay na aso sa tabi ng libingan ng kaniyang mga tuta.
Ayaw niyang umalis sa lugar kung saan nakalibing ang kaniyang mga anak na wala nang buhay. Ang naturang insidente ay nangyari sa Suzhou, Anhui Province sa China.
Ayon sa ilang mga nauna nang ulat, nagkaroon daw ng komplikasyon ang mga tuta nang ipanganak sila kung kaya naman nasawi ang mga ito. Ang amo ng aso na si Qin ang nagbahagi ng footage ng kaniyang aso na talagang makailang beses na hinuhukay ang libingan ng kaniyang mga anak.
Sa unang bahagi ng naturang video ay makikita pa ang nanay na aso na tila kagat kagat ng marahan ang isa sa mga nasawing tuta. Marahil ay nais niya itong alisin sa libingan sa pag-asang maaari pa itong mabuhay muli.
Pinilit din naman ng kaniyang amo na pakalmahin ang nagdadalamhating ina. Sa sumunod namang footage ay makikitang talagang pursigido ang asong hukayin muli ang kaniyang mga anak.
Napakasakit talaga para sa isang magulang ang makitang wala nang buhay ang kanilang anak. Kahit pa sabihing hayop o aso lamang ang nasa naturang video ay talagang naroroon pa rin ang pagmamahal at pagkalinga nito sa kaniyang mga tuta kahit sa kahuli-hulihang sandali.
Hindi biro maging isang magulang at lalong hindi madali ang maging isang ina kung kaya naman dapat lamang na igalang at mahalin din natin ang mga magulang natin hanggang sa mayroon pa tayong panahon at pagkakataon na makasama sila.
No comments:
Post a Comment