Tipikal na sa maraming mga Pilipino ang pagkakaroon ng isa o higit pang alagang hayop kung kaya naman masasabi rin nating “animal lovers” ang karamihan sa atin. Hindi lamang hayop ang turing natin sa mga ito kundi bahagi na rin ng ating pamilya.
Madalas nga ay nakakakita pa tayo ng mga hayop na nakasakay sa strollers na parang sanggol o di kaya naman ay mga hayop na nakasuot ng diaper, at marami pang iba. Ngunit kahit ganoon ay marami pa ring mga hayop na inaabandona, nakakalungkot mang isipin ngunit talamak na rin ito sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Buti na lamang at mayroong mga rescue center at animal shelter na tumutulong at nagbibigay pag-asa sa mga hayop na ito. Kamakailan lamang ay nagbigay ng “good vibes” sa publiko ang isang animal shelter na ito na mayroong kakaibang paandar para sa mga alaga nilang aso.
Inulan ng papuri at magagandang komento ang “The Native Dogs of Lambac Philippines organization” na siyang nag-organisa ng “boodle fight” na ito para sa kanilang mga aso. Ito ay ginanap sa Olivar Dog Farm sa Lambac, Laguna.
Naggayak sila ng 10 kilong kanin at 10 kilong karne upang mapagsaluhan ng mga asong ito. Bagamat hindi na nabanggit pa kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng ganitong klase ng selebrasyon ay nabigyang-diin naman nila na ito ay para sa mga alaga nilang aso.
Sa halip daw na bigyan sila ng kaniya-kaniya nilang pagkain ay naglatag na lamang sila ng isang mahabang kahoy na pinaglagyan naman nila ng malinis na dahon ng saging. Matapos nito ay inilagay na nila ang inihanda nilang pagkain para sa mga aso.
Halos nasa 20 mga aso rin daw ang nabusog sa inihanda nilang “boodle fight”. Maraming mga netizens ang labis na nagalak dahil “deserve” din naman daw ng mga hayop na ito ang makakain ng ganito.
No comments:
Post a Comment