Friday, July 24, 2020

ATING BALIKAN: Ang 16 na Taong Pakikipaglaban ni Mel Tiangco sa ABS-CBN na Dati Nitong Network


“Para akong ipis nun.”

Ganito inilarawan dati ng mamamahayag na si Mel Tiangco ang kanyang masalimuot na pinagdaanan dahil sa ABS-CBN na labis na tumatak sa mga manonood.

Bilang pangunahing news anchor ng ‘24 Oras’, hindi maiwasan na si Tiangco ang maatasang magbalita tungkol sa kinakaharap ngayong laban ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa na tuluyan na ngang ibinasura sa Kamara.

Kaya naman, hindi maiwasan ng ilan na isiping mayroon umanong diin ang mamamahayag sa naturang balita na umano’y maaaring may kinalaman sa pinagdaanan nito dati sa ABS-CBN na kanyang dating kinabilangan.

Labing anim na taon ang itinagal ng pakikipaglaban dati ni Tiangco sa network giant na ABS-CBN kasama ng isa ring mamamahayag na si Jay Sonza.


Noong 1987, si Tiangco ay kabilang sa apat na pinakaunang naging news anchor ng ABS-CBN  news program na ‘TV Patrol’. Kasama nito dati sina Noli de Castro, Angelique Lazo, at si Frankie Evangelista.

Nagging co-host naman ni Tiangco si Sonza sa TV at radio program na ‘Mel and Jay’ mula 1989 hanggang 1996.

Taong 1995 nang masuspinde si Tiangco dahil umano sa pagtanggap nito dati sa isang endorsement na walang anumang written approval mula sa ABS-CBN. Tatlong buwan umano na suspendido at walang bayad si Tiangco mula sa kanyang mga programa sa ABS-CBN. Kaya naman, ito umano ang pangunahing dahilan ng paglipat nito sa GMA, kasama ni Sonza.

Dahil dito, maliban kay Tiangco ay kabilang na rin sa idinemanda ng ABS-CBN noong 1996 si Sonza at ang GMA network na kanilang nilipatan. Labing anim na taon lang naman ang inabot ng naturang kaso.


Marso ng taong 2011 nang tuluyang ibasura ng Supreme Court ang mga isinampang kaso ng ABS-CBN kina Tiangco. Ngunit, bago pa maiakyat ng ABS-CBN ang kaso sa SC ay nauna na itong nabigo sa Quezon City Trial Court at Court of Appeals.

Ayon sa korte, maliban sa wala raw kinalaman ang GMA sa ginawang paglipat nina Tiangco at Sonza, wala rin daw ebidensya ang ABS-CBN sa mga inirereklamo nitong mga paglabag ni Tiangco. Ayon pa nga sa pahayag na inilabas dati ng GMA,

“The suspension by ABS-CBN of Mel without sufficient basis in law and evidence constitutes a breach of the contract by ABS-CBN which is substantial and grievous, and justifies the unilateral action by Mel Tiangco in resolving the contract.

“ABS-CBN had protested that Jay may not base his rescission on that of Mel, but the CA considered the fact that Jay is redundant without Mel, much like the proverbial bow and arrow.”


Para kay Mel Tiangco, bagama’t naging mapait ang kanyang pinagdaanan sa ABS-CBN sa loob ng mahabang taon, napatawad niya na umano ang mga ito lalo na ang umano’y mga executives ng ABS-CBN na hindi niya na lamang pinangalanan.

“Kasi sobra ang panlalait sa akin. Sobra ang pagtapak sa akin. Dini-describe ko nga nun na, feeling ko, para akong ipis nun. Alam niyo naman kung paano ba patayin ang ipis? Di ba, tinatapakan, tapos idiin pa para mapisa nang husto?

“Ganoon ang feeling ko nun…

“Napatawad ko na sila kahit hindi sila nagsu-sorry. Napatawad ko na sila,” minsan pang naging saad ni Mel sa isang panayam.

Source: PEP

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment