Saturday, July 11, 2020

Babaeng Positibo Sa COVID-19, Namatay Matapos Umasa Lamang Sa Tuob


Hindi komunsulta sa doktor o anumang atensyong medikal ang isang babae sa Cagayan de Oro kahit nakaramdam na umano ito ng mga sintomas ng COVID-19.

Sa halip ay sa ‘tuob’ o ‘steam inhalation’ umano umasa ang naturang babae upang gumaling siya sa virus. Ilang araw lamang mula nito, hindi na ito umabot pa sa ospital at agad binawian ng buhay.

Ayon sa ulat, dinala umano ang babaeng pasyente sa Northern Mindanao Medical Center o NMMC nitong ika-pito ng Hunyo.

Agad idineklarang dead-on-arrival ang 34 taong gulang na babaeng ito na mula sa Barangay Carmen sa Cagayan de Oro. Kalaunan ay napag-alaman na positibo ang babae sa COVID-19.

Ito ang ika-15 na pasyente mula sa lugar at ika-siyam naman sa mga pasyente roon na namatay dahil sa COVID-19. Dahil dito, nagpositibo rin ang apat na iba pang kasama ng babae sa bahay at nananatili umano ngayon sa isang isolation facility sa syudad.


Ang naturang pasyente ay isang vendor ng public market sa Brgy. Carmen. Dahilan ito upang mas lalo pang mag-ingat ang mga taga-roon mula sa COVID-19.

Ayon sa pahayag na inilabas ng liaison officer ng naturang ospital, kahit nakaramdam na umano ng pagsusuka at pagsakit ng tiyan ang naturang pasyente ay hindi pa rin umano ito komunsulta sa doktor. Sa halip ay naniwala at umasa umano ito sa ‘tuob’.

“Days prior to her admission, she had complaints on abdominal pain and vomiting. She did not seek medical consultation, instead, she relied on tuob as home remedy,” saad pa ni Dr. Bernard Julius Rocha.

Malubha na umano ang kalagayan ng pasyente nang magdesisyon itong magpadala sa ospital. Ayon kay Dr. Rocha, ang ginawang ‘tuob’ ng pumanaw na pasyente ay hindi umano gamot o nakakatulong upang magamot ang COVID-19.


Inilihim umano nito sa sarili ang nararamdamang mga sintomas at nakontento na lamang umano sa panandaliang ginhawa na nabibigay sa kanya ng ‘tuob’.

Ito ngayon ang idinidiin ng Department of Health sa publiko na naniniwalang ‘tuob’ ang gamot sa virus. Ang kaginhawaan na naiidudulot ng ‘tuob’ sa pasyente ay pansamantala lamang umano at hindi ganap na gamot.

Wala pang nagpapatunay sa bisa ng ‘tuob’. Ang pinakamabuting gawin pa rin sa tuwing nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19 ay ang agad na pagkonsulta sa doktor at pagkakaroon ng atensyong medikal.

“Steam inhalation can help relieve nasal congestions if one is experiencing minor cold and cough. However, there is no scientific evidence that it that kills viruses or prevents virus infection,” ani pa ni Dr. Joselito Retuya ng CDO City Health Office.


Unang naging kontrobersiyal ang ‘tuob’ sa Cebu nang ihayag ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na maaari umano itong maging alternatibong gamot sa COVID-19.

Ngunit, mahigpit na ipinaalala ng DOH na huwag iasa sa ‘tuob’ ang katawan kapag nakaranas na ng sintomas ng COVID-19. Pinakamabisa pa rin umanong paraan upang maagapan ito ay ang pagkonsulta sa doktor at pakikinig sa mga abiso ng DOH.

Pailit-ulit din na ipinapaalala ng ahensa sa publiko ang pagsusuot ng face mask at social distancing sa tuwing lalabas ng bahay.

Source: KAMI

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment