Wednesday, July 29, 2020

Beteranong Aktor na si John Regala, Tinulungan ng Isang Grab Driver Matapos Itong Mahilo sa Daan


Hindi nagdalawang isip ang Grab Food delivery driver na si Carlo Marti Clariza na sumaklolo sa dating sikat na aktor na si John Regala nang ito’y humingi rito ng ulong matapos umanong makaramdam ng pagkahilo sa may Baranggay 183 sa Lungsod ng Pasay.

Sa isang Facebook post, kasama ng mga larawan ng aktor na kanyang kinunan ay ikinwento ni Clariza ang nangyari. Ayon sa food delivery driver, nangyari umano ang insidente nito lamang Lunes, ika-27 ng Hulyo, bandang alas dos ng hapon.

Habang papunta umano ang aktor sa nars na nag-aasikaso rito para sa kanyang sakit na ‘gout’, nahilo umano si Regala at humingi ng tulong kay Clariza. Hindi pa umano gaanong naintindihan ni Clariza ang mga sinabi ng aktor dahil ayon dito, medyo utal pa umano ito sa pagsasalita dahil na rin sa kanyang nararamdamang pagkahilo.

“Siya po si Mister John Regala, ang sikat na kontra bida, humingi nang tulong po kase nahihilo siya. May hinahanap siya na nurse. Ang kaso, di ko po siya maintindihan kase po medyo utal na po magsalita dahil nahihilo po siya kaya humingi siya nang tulong saken,” kwento pa ni Clariza.

Dahil sa nangyari, agad umanong humingi ng tulong si Clariza sa pinakamalapit na tanod at pulis upang maasikaso ang kalagayan ng aktor. Dagdag pa nito, hangga’t hindi pa umano naaasikaso si Regala ay mas piniling hindi umano umalis doon ng food delivery driver.


Dagdag pa nito, kahit na mayroon pa umano itong dapat na ideliver ay kanya munang isinantabi para lamang maasikaso ang aktor.

“... agad naman po akong lumapit sa mga tanod at pulis na para matulungan dito… mas minabuti ko munang Hindi umalis hangga’t di pa siya naaasikaso kahit na ako'y may deliver pa,” ani pa nito.

Sa nangyari sa aktor, hindi umano maiwasan ni Clariza na isipin ang kasalukuyang sitwasyon nito. Para kay Clariza, masakit umanong isipin na ang dating bida kontrabida na idolo ng lahat ay nasa ganoong kondisyon na lamang.

Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin umano si Clariza para sa lahat ng mga tulong kay Regala nang oras na iyon.

Hindi naman nag-iisa si Clariza sa kanyang naging reaksyon kaugnay ng naging kalagayan ng batikang aktor. Marami sa mga nakakita ng naturang Facebook post tungkol sa aktor ay hindi rin maiwasang mag-alala para sa kasalukuyan nitong kondisyon.

Karamihan sa mga ibinahaging komento sa naturang Facebook post ay tungkol sa hiling na bumuti umano ang kalagayan ni Regala at maging maayos na ang kondisyon nito.


Bagama’t hindi rin maiwasan na mayroong mga taong nag-iisip ng negatibo tungkol sa nangyari, mas marami naman ang piniling maging positibo para sa aktor. Hindi rin nagustuhan ng karamihan ang ilan sa mga komentong mayroong hindi magandang ipinahihiwatig tungkol kay Regala.

Ayon sa ilan, hindi naman talaga umano ganoon kasama ang kalagayan ngayon ng dating aktor dahil lamang sa naturang balita. Mabuti naman umano ang kalagayan ni Regala at nagkataon lamang na nahilo ito habang hinahanap ang kanyang nars.

Malayo umano ito sa iniisip ng marami na mahirap ang kondisyon ngayon ni Regala at humihingi ito ng tulong.

Source: facebook

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment