Sa isang video na ibinahagi ng GMA News, maririnig kung gaano kasaya at kamangha ang isang grupo ng mga tao sa isang bangka habang pinapanood ang mga orca sa dagat.
Sa naturang video, makikita kung gaano kalapit sa bangka ang paglangoy ng hindi mabilang na mga orca sa dagat. Labis naman itong ikinamangha ng mga tao sa naturang video na panay ang pagsabi ng ‘wow’ sa bawat paglitaw ng mga killer whales.
Ayon sa ulat, isang Jervin Calido umano ang nagbahagi ng naturang video na kanyang nakunan nito lamang Sabado. Ito ay matapos ang muling pagbubukas ng turismo sa Bohol matapos ang mahigit sa tatlong buwang pagtigil sa operasyon ng mga ito.
Ang itinuturong dahilan naman ng muling pagbalik ng mga orca sa katubigan ng Bohol ay dahil umano sa muling pagdami ng makakaing isda sa lugar bunsod ng malawakang lockdown kung saan, ipinagbawal muna ang turismo at pangingisda.
Ang mga orca o killer whale ay madalas umanong makita noon sa Bohol partikular na sa mga lungsod ng Garcia Hernandez, Jagna, Lila, at Pamilacan Island sa lungsod ng Baclayon. Ito ay dahil ang Bohol Sea ay maituturing na ‘breeding grounds’ ng mga whales at dolphins.
Bagama’t mayroong mga mangingisda na nakakakita pa rin ng mga dolphin sa Bohol, masyadong bihira na lamang umano ito.
Ngunit, dahil umano sa lockdown kung saan nakapagpahinga ang dagat at muling nakapagparami ang mga isda rito, matapos ang ilang dekada ay muling nakita ang mga dolphin kagaya ng killer whale sa Bohol.
Ang mga killer whale o orca ay hindi naman talaga whale o balyena kagaya ng sinasabi ng pangalan nito. Ang mga killer whale ay isang uri rin ng dolphin. Sa katunayan, ang killer whale ang maituturing na pinakamalaki sa lahat ng uri ng dolphin at tanyag dahil sa itim at puti nitong kulay.
Bagama’t kilala rin ang killer whale sa kanilang mga pag-atake sa iba’t-ibang hayop maging ang blue whale, bihira lamang itong umaatake sa tao na siya namang pinangangambahan ng marami.
Para sa marami, ang muling paglitaw ng mga orca sa katubigan ng Bohol ay isang sensyales ng muling pagbabalik ng mga ito sa lugar dahil sa muling pagsagana ng dagat nito sa pagkain. Ngunit, para sa ilan, ito ay isang sensyales na dapat seryosohin at hindi dapat ipinagsasawalang bahala ang pangalaga sa karagatan.
Source: facebook
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment