Hinahangaan ngayon sa social media ang mga gurong ito galing sa Oriental Mindoro dahil sa kanilang kakaibang paraan upang makalikom ng mga materyales ng mga guro at estudyante sa muling pagbubukas ng paaralan.
Sa muling pagsisimula ng klase, ipinapatupad sa mga paaralan ang ‘new normal’ dahil sa pandemya kung saan, ang mga guro at mag-aaral ay nagkakaroon ng tinatawag na ‘blended learning’. Dito, imbes na magpunta sa mga silid-aralan ay nananatili lamang sa mga bahay ang mga estudyante.
Maliban sa online classes, isang paraan sa ‘new normal’ ay ang pagbibigay ng mga learning materials at modules sa mga magulang para sa kanilang mga anak. Ngunit, hindi lahat ng mga mag-aaral ay mayroong gadget at printer upang magawa ang mga ito.
Kaya naman, ang mga guro mula sa Campaasan Elementary School sa Bulalacao, Oriental Mindoro ay nakaisip ng paraan upang matugunan ang problemang ito sa paggawa ng mga learning materials at modules.
Kapalit ng mga bond papers, printers, at maging alcohol at face masks, nagbabarter ang mga guro ng mga halaman. Dahil hindi lahat ay may kakayanang bilhin ang mga materyales na ito, ang mga guro na ang gumawa ng paraaan na magbarter ng mga halaman kapalit ng mga kinakailangan nilang mga materyales.
Ayon sa principal o punong-guro ng naturang paaralan na si Gng. Lucy Ferranco, ang naturang proyekto ay magkasama umanong binuo ng mga guro at ng mga magulang ng mga estudyante sa kanilang paaralan.
“Ito po ay upang manumbalik ang ating tradisyonal na ginagawang barteran. At the same time, mapunan po ang aming mga pangangailangan. Pangangailangan po ng aming mga kaguruan, pangangailangan po ng aming mga mag-aaral sa darating na pasukan,” saad pa ni Gng. Ferranco.
Dagdag pa ngang pahayag tungkol dito ni Master Teacher 2 Aurea Gunta, ang naturang mga halaman ay upang makaipon umano sila ng mga kinakailangang materyales para sa pag-aaral ng kanilang mga mag-aaral. Ani pa nito,
“Ito po ang aming mga halaman para sa aming ‘Halaman Ko, Barter Mo’ project upang makaipon pa kami ng coupon bonds at ink para sa printing ng modules at activity sheets ng mga learners ng Campaasan Elementary School.”
Kapalit ng tulong na ibibigay sa paaralan ay ang mga halaman na umano’y pinalago at minahal ng mismong mga guro. Humihiling ngayon ang paaralan sa publiko na suportahan ang kanilang proyekto para sa maayos na pag-aaral ng parehong guro at mga mag-aaral.
“Kapalit po ng tulong n’yo ang halaman namin sa paaralang ito na aming pinalago… Ibinabarter upang lahat ng aming pangangailangan sa paaralan ay mapunan,” dagdag pang ani ng isang guro.
Ang hakbang na ito ng naturang mga guro ay umani naman ng maraming mga papuri at paghanga galing sa mga netizen. Saludo umano ang mga ito sa determinasyon na ipinapamalas ng naturang mga guro.
Humahanga ang mga ito sa kagustuhan ng mga guro sa Campaasan Elementary School na mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga mag-aaral sa kabila ng problemang hinaharap sa pagpapatupad ng bagong paraan sa pag-aaral.
Source: virtualpinoy
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment