Marami ang nagulat nang umano’y na-hack ang mga Facebook page ng ilan sa mga pinakasikat na streamers at vloggers sa bansa nito lamang ika-pitong araw ng Hulyo.
Ilan sa mga umano’y na-hack ay ang mga official Facebook page ng mga sikat na Filipino streamers na sina Choox Tv, Akosi Dogie, Chix ni dogie, at Suzzysaur. Maging ang umano’y management agency ng naturang mga streamers na ay na-hack din ng naturang hacker. Na-hack din ng mga ito ang Facebook page ng Rumble Royale.
Ang umano’y salarin at hacker ng naturang mga Facebook page ay nagpakilala bilang ‘Pinoy LulzSec’. Ito umano ay isang grupo ng mga professional hackers sa Pilipinas.
Base sa mga isinaad ng naturang mga hackers, nagpapaalala umano ang mga ito na mahina raw ang seguridad ng naturang mga Facebook page.
“Hacked by Pinoy LulzSec! You have a weak security. Please patch as soon as possible,” ani pa nito sa isa sa mga Facebook page na kanilang na-hack.
Marami naman ang nagulantang sa naturang mga hackers kung saan pinunterya pa talaga umano ang mga sikat na streamers sa bansa.
Ayon sa ilan, dahil ang naturang mga streamers na na-hack ay nasa ilalim ng management agency na Rumble Royale, marahil ay dumaan umano muna sa Facebook page nito ang naturang mga hackers bago isa-isang ini-hack ang Facebook page ng mga streamers tulad nina ChooxTv at Akosi Dogie.
Maliban dito, mayroon ding iniwang pahayag ang naturang grupo ng mga hackers sa official Facebook account ni ChooxTv. Dito, nagbigay ng babala ang umano’y Pinoy LulzSec na mag-iba raw ng password ang mga streamers ng Rumble Royale dahil baka ma-hack din ang mga ito.
“To all STREAMERS NG RUMBLE ROYALE MAGCHANGE PASSWORD PO KAYO BAKA MAHACK KAYO NG MGA ARABO,” ani pa ng naturang hacker.
Gayunpaman, mukhang nabawi na rin naman agad ng naturang management agency at ng mga streamers nito ang kanilang mga Facebook page na na-hack. Ngunit, isa na rin itong babala sa seguridad ng kanilang Facebook pages na dapat nilang higpitan.
Kaugnay nito, wala pa umanong inilalabas na opisyal na pahayag ang Rumble Royale tungkol sa pagkaka-hack ng official Facebook page nito at ng kaniyang mga talent.
Sa kaniyang Facebook page na nabiktima rin ng naturang hacker, nagbigay naman ng pahayag ang sikat na streamer na si Suzzysaur. Pahayag nito,
“Guys one of my admins got hacked. Tinanggal na po namin sha pagiging admin. Dont worry na po. GOOOD vibes onleh! Thanks to the hacker na nag bigay ng awareness about sa security ng account ng admin ko na yon at sa mga kapwa ko streamers!”
Hindi naman maiwasan ng mga tagasuporta ng naturang mga streamers na mabahala rin sa kanilang mga Facebook account.
Ayon sa mga ito, kung ang official Facebook page nga ng mga sikat o top streamers sa bansa ay nabiktima ng mga hackers, hindi umano malayo na ang mga ordinaryong tao ay mapasok din ng mga hacker na ito.
Kaya naman, ang nangyari ay isa umanong babala para sa lahat na siguraduhing maayos ang siguridad ng kani-kanilang Facebook accounts.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment