Saturday, July 11, 2020

Security Guard, Nagsauli Ng Natagpuang Bag Na May Lamang Php 500 000


Hindi nag-atubili na magpamalas ng katapatan ang isang airport security guard sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) matapos nitong makakita ng bag na mayroong malaking halaga ng pera sa loob.

Hinangaan ng marami si Danny Namion na nagtatrabahong security guard sa Advance Forces Security ng NAIA matapos nitong magsauli ng bag na may lamang $10 800 o may katumbas na mahigit sa Php 500 000 sa may-ari nito.

Sa kabila ng kawalan ng pera at kahirapan sa buhay, hindi pinagka-inetresan ni Namion ang pera at sa halip ay isinauli ito sa may-ari.

Ayon kay Namion, nang araw na nakita niya umano ang naturang bag ay talagang walang-wala umano siyang pera. Sa katunayan, nanghiram pa nga umano siya ng Php 100 sa kanyang kasama sa trabaho upang may pambili ng pagkain.

Habang naglilibot umano ito sa arrival extension area ng NAIA Terminal 1, napansin umano ni Namion ang isang bag sa loob ng baggage cart na walang nagbabantay at animo’y naiwan ng may-ari.


Bilang bahagi na rin ng pag-iingat, matapos lapitan ang bag ay ikinonsulta umano ni Namion ang bag sa Philippine National Police Aviation Security Bomb Detection Group. Ngunit, napag-alaman na wala namang bomba o delikadong laman ang loob ng bag.

Kalaunan ay napag-alaman din ni Namion na ang may-ari umano ng bag ay isang Jessie Amor.

Nang makita niya umano ang laman ng naturang bag ay kinabahan umano si Namion. Ayon sa kanya, nag-alala umano siya para sa may-ari ng bag at ng naturang malaking pera sa loob nito.

Kaya naman, dinala ni Namion ang bag sa lost and found found section ng airport upang ganap itong i-turn over at maibalik na rin sa may-ari. Ang pera umano sa loob ng bag ay maayos na nakalagay sa lagayan ng laptop sa loob nito.

Kalaunan ay napag-alaman na ang may-ari ng bag na si Amor ay isa umanong Overseas Filipino Worker (OFW).


Nang maisauli ang bag, labis ang pagpapasalamat nito kay Namion dahil sa ipinakita umano nitong katapatan. Kaya naman, bilang gantimpala ay binigyan ni Amor si Namion ng halagang $300 o mahigit Php 14 000.

Malaking bagay para kay Namion ang gantimpalang ito sa kanya ni Amor dahil isa itong single parent. Hiwalay na umano ito sa asawa at binubuhay niya ang kanyang dalawang anak.

Kaya naman, laking pasasalamat niya kay Amor sa ibinigay nitong pera sa kanya.

Dahil sa kanyang katapatan, ang inutang nitong Php100 sa kanyang kasama bilang pangkain ay napalitan ng halagang lampas pa sa buwanang sweldo ni Namion. Hindi nito inakala na sa parehong araw na iyon ay bibigyan umano siya ng biyaya. Kaya naman, labis-labis ang ipinahayag nitong pasasalamat sa OFW.


Ang katapatang ito ni Namion ay dapat lamang na tularan at kapulutan ng aral. Sa kabila ng hirap ng buhay at kawalan ng pera, hindi nito nagawang gumawa ng masama at mas inuna ang pagpapamalas ng kabutihan sa kapwa.

Nararapat lamang ito tumanggap ng gantimpala at umani ng mga papuri dahil sa pambihira nitong kabutihan.
Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment