Naninirahan na lamang ngayon sa ilalim ng isang puno sa gilid ng kalye sa Laguna ang 75 taong gulang na si Arthur Ernest matapos itong iwan ng asawang Pinay sa hindi malamang dahilan.
Ang nakakaawang sitwasyon na ito ni Arthur ay ibinahagi sa Facebook ng netizen na si Sandrix Lita. Ayon sa Facebook post nito, bagama’t hindi namamalimos ay madalas umano itong inaabutan ng pagkain para maitawid ni Arthur ang kanyang pang-araw-araw.
Dati umanong mayroong negosyong isang computer shop si Arthur sa Halang Canlalay Biñan, Laguna. Ang biglaang pag-iwan dito ng kanyang asawa ay nagresulta din umano sa pagkawala ng kanyang negosyo.
Hindi naman umano matukoy kung bakit iniwan si Athur ng kanyang asawa. Mayroong ilan na nagsasabing nasa ibang bansa na umano ito at tinangay ang lahat ng kanilang pera habang mayroon din namang nagsasabi na pumanaw na umano ang misis nito.
“Sa kasalukuyan, siya po ay naninirahan sa ilalim ng Puno sa tabi ng isang Covered Court sa Halang. Ang sabi nya po ay iniwan daw siya ng kanyang asawa. Sa madaling salita po, wala na siyang kasama sa buhay at wala na rin pong hanapbuhay…
“Madalas po ay inaabutan siya ng bigas ng mga nagdaraan na residente sa lugar subalit wala po siyang kalan na pagsasaingan kung kaya po ipinamimigay na lang ‘yung bigas na ibinibigay sa kanya. Madalas din siyang inaabutan ng mga sasakyan ng makakain at pera pambili ng makakain…
“Hindi siya nanlilimos pero sa kalagayan niya, alam kong hirap na hirap sya,” pagbabahagi pa ng naturang netizen tungkol kay Arthur.
Bukod umano sa walang mapagkukunan ng pinansyal na pangangailangan si Arthur dito sa bansa, mayroon din umano itong sakit na diabetes na talaga namang nagpalala pa sa kondisyon nito.
Kaya naman, ang hiling ngayon ng netizen na ito ay ang matulungan si Arthur na kung maaari ay makabalik sa bansa nito at makasama muli ng kanyang pamilya. Ayon sa naging sagot nito sa netizen, sa London umano nakatira si Arthur ngunit hindi nito sinabi kung saan eksakto sa London ito nakatira.
Sa ngayon, madalas umano na tumatambay si Arthur sa harap ng isang tindahan doon kung saan, madalas ay inaabutan siya ng pagkain. Minsan din umano ay mayroong mga pamilya na nagpapakain daw sa kanya dahil naaawa sa sitwasyon nito.
Gayunpaman, sa kabila umano ng sitwasyon ni Arthur, naikwento umano nito sa netizen na natutuwa ito sa mga Pilipino dahil sa kabaitan ng mga ito sa kanya. Napakamatulungin umano ng mga Pilipino sa kanya na talaga namang nagbibigay sa kanya ng ngiti.
“Sana po may makatulong sa kanya… Mabait si sir at tuwang tuwa daw siya sa mga Pilipino kasi daw sobrang matulungin. Bakas nga sa mukha niya ang saya ‘nung inabutan siya ng makakain,” dagdag kwento pa ng nasabing netizen tungkol sa British national na si Arthur.
Kung sino man ang nais na magpaabot ng tulong kay Arthur, basahin lamang ang kompletong Facebook post ng netizen na si Sandrix Lita at makipag-ugnayan sa kanya.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment