Friday, September 11, 2020

Lolit Solis, May Opinyon Tungkol sa Isyung Julia Barretto at Gerald Anderson



Hanggang ngayon, hindi pa rin mawala-wala at matapos-tapos ang isyu tungkol sa mga artistang sina Julia Barretto at Gerald Anderson na umano’y mayroong relasyon.

Kahit mahigit isang taon na ang lumipas mula nang pumutok ang isyu tungkol sa pagiging bahagi umano ni Julia sa nagyaring hiwalayan nina Gerald at ng aktres na si Bea Alonzo, mayroon pa ring mga netizen na pilit itong inuungkat.

Kamakailan lang, napag-usapan na naman ito ng publiko matapos kumalat ang isa umanong video clip kung saan, makikita si Julia na kasama si Gerald sa umano’y private resort ng aktor sa Zambales.

Dahil dito, uminit na naman ang balita na talagang mayroon umanong itinatagong relasyon ang dalawa.


Kaugnay nito, hindi na rin napigilan pa ng beteranang host at columnist na si Lolit Solis na magkomento tungkol dito.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Lolit ang kanyang opinyon tungkol sa dalawa. Ayon kay Lolit, kung totoo man daw umano na mayroon talagang namamagitan kina Julia at Gerald, baka raw pwede na pagbigyan na lamang ang mga ito.

Tungkol naman kay Bea na talagang nakadikit pa rin ang pangalan sa naturang isyu, baka raw hindi talaga sila para sa isa’t-isa ni Gerald kaya kahit sa ikalawang pagkakataon ay nangyari ang isyu at nagkahiwalay ang dalawa.


“Nabuhay na naman pala iyon issue kay Gerald Anderson at Julia Barretto , Salve. At siyempre pag nabuhay iyon , buhay din ang issue ng Bea Alonzo. Sa love kasi talagang ganyan, parang sugal din na hindi mo alam kung sino mananalo sa ending…


“Siguro talagang hindi para sa isa't isa sila Gerald at Bea , dahil nag second chance na sila pero nawala parin,” pagbabahagi pa ni Lolit.

“Kung talagang para sa isat isa sila Gerald at Julia, ok lang, bigyan ng chance ang love nila. Mas mabuti nga na nangyari ito na hindi pa sila kasal, at least wala pang mga legal impediments,” dagdag pa nito.

Ayon kay Lolit, sigurado daw ito na mayroong nakalaan na ibang lalaki para kay Bea at sa pagkakataon na matagpuan niya na ito, sigurado umano siya na mas magiging matatag at matapang pa si Bea.

Kaya naman, kung sa ngayon ay talagang totoo umano ang kumakalat na mayroong relasyon sina Gerald at Julia, mas maigi umano na pagbigyan na lamang ito ng publiko para na rin umano sa ikagagaan ng pakiramdam ng dalawa.


“Pagbigyan na natin sila , para naman mas maging magaan ang relasyon nila, tiyak naman na may nakalaan din para kay Bea. At sure ako by that time, mas ibang Bea narin ang iibig. Mas matatag at mas handa,” saad pa ulit ni Lolit.

Bagama’t marami pa rin ang pilit na inuungkat at ginagawan ng tsismis ang tatlo, mayroon din namang mga netizen na sinasabing huwag nang pakialaman sina Bea, Julia, at Gerald sa kanilang mga buhay at hayaan na lamang ang mga ito sa kung ano talaga ang totoo.


Saad pa nga ng ilan, mukhang nakapag-move on na rin daw kasi ang tatlo kaya naman baka panahon na rin daw na tigilan na ng publiko ang pakikisawsaw sa buhay ng tatlong artista.

Source: biztalkph

Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment