Wednesday, September 30, 2020

Mother Kween, Nagsalita na sa Unang Pagkakataon Matapos ang Pagpanaw ni Lloyd Cadena


Nagbigay na ng pahayag sa unang pagkakataon si Mother Kween, nanay ng sikat na vlogger na si Lloyd Cadena, tungkol sa biglaang pagpanaw ng kanyang anak tatlong linggo na ang nakararaan.

Sa kanyang YouTube Channel, pinasalamatan ni Mother Kween ang lahat ng mga taong sumuporta at nagdasal para kay Lloyd at sa kanila. Pati rin ang mga nagpaabot ng tulong at mga mensahe ay kanya ring pinasalamatan.

“Ngayon lang ako nagsalita dahil ngayon ko lang kayang magsalita…

“Ayun, nandito na, nangyari na. Wala na tayong magagawa. Maraming salamat sa mga prayers niyo at sa mga message niyo sa akin, sa mga nag-alala sa akin,” ani pa ni Mother Kween.

Dito, idiniin din ni Mother Kween ang kanyang pasasalamat para sa aktres at vlogger na si Ivana Alawi at sa pamilya nito dahil sa malaking tulong umano na iniabot ng mga ito sa kanila. Pinasalamatan nito ang kabaitan umano ni Ivana na ipinamalas sa kanila.

Pagbabahagi pa ni Mother Kween, dahil nga nagpositibo si Lloyd sa COVID-19, sumailalim na rin daw silang lahat na nasa bahay sa swab test. Sa awa ng Diyos ay negatibo umano silang lahat sa COVID-19 kaya wala na umanong dapat ipag-alala sa kanila ang publiko.

Nilinaw din dito ni Mother Kween na ito palang ang unang beses na nagsalita siya mula nang mangyari ang pagpanaw ni Lloyd. Nakiusap din ito na itigil na ang paggamit sa kanyang pangalan sa social media dahil mayroon umano siyang nakikita na mga pekeng Facebook pages niya.


“‘Yung mga ginagamit ‘yung pangalan ko, pangalan ni Lloyd, ‘wag naman kayong ganun kasi kami, family, sa akin na magulang, parang hindi naman magandang pakinggan na gamitin mo ‘yung pangalan ko. Una pa kayong nagsalita sa akin…

“This is my first time na nagsalita. Hindi pa ako nagsalita, never pa… Irespeto naman natin si Lloyd kasi mabait naman na bata ‘yon. Sana matakot naman kayo sa karma,” pahayag pa ni Mother Kween.

Bagama’t hindi pa rin umano nila tuluyang natatatanggap ang pagkawala ni Lloyd, sisikapin umano ni Mother Kween at ng pamilya nito na maka-recover sa nangyari.

“Mahirap mang tanggapin, tanggapin nalang natin kasi alam kong mahal si Lloyd ng Panginoon kaya kinuha na siya…

“Although mahirap sa aming family, pero wala na tayong magagawa dahil hiram lang naman si Lloyd… hiram ko lang naman si Lloyd,” dagdag pa ni Mother Kween.

Sa ngayon, humihingi ng pasensya si Mother Kween kung hanggang ngayon ay hindi pa ito tumatanggap ng bisita sa kanilang bahay dahil inuuna niya lamang umano ang kanilang kaligtasan bunsod nga na mayroong COVID-19.

Samantala, ipinangako naman nito na ipagpapatuloy ang mga plano ni Lloyd sa kanilang bahay at ibabahagi niya rin umano ito sa kanila na mga taga-suporta ng anak.


Ani pa nito, sana raw kahit wala na si Lloyd ay patuloy pa rin siya na suportahan ng mga ito ngayong siya na lamang mag-isa sa pagva-vlog.

Noong nakaraang buwan ay ikinabigla ng lahat ang hindi inaasahang pagpanaw ng isa sa pinakasikat na vlogger sa bansa na si Lloyd Cadena. Ipinagluksa ng mga vlogger ang pagkawala nito na naging malaking kawalan para sa kanila dahil si Lloyd ay maituturing na isa sa pioneer ng vlogging sa bansa.

Panoorin ang buong video dito!


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment