Monday, October 12, 2020

Batang Estudyante, Naiyak at Nagmaktol Dahil sa Dami ng Module na Dapat Niyang Sagutan


Maraming mga magulang at mga anak ang nakaka-relate ngayon sa viral video na ito ng isang bata na nagmamaktol at umiiyak dahil sa dami ng module na dapat nitong tapusin o sagutan.

Sa naturang video na ibinahagi ng isang Caludine Julia Salazar Quilab, makikita ang isang bata na hindi mapakali sa pag-iyak habang kaharap sa mesa ang kanyang mga sasagutang module at kwaderno. 

Base rito, napapagod na raw ang bata sa pagsagot sa mga module nito at ilang oras na rin itong nakaupo kaharap ang mga module na dapat nitong sagutan.

Panay naman ang saway rito ng ama ng bata habang umiiyak ang estudyante. Anito, dapat nitong matapos ang module at wala raw nagagawa ang pag-iyak nito dahil hindi nito nasasagutan ang kanyang mga module. Gabi na ngunit kaharap pa rin ng bata ang mga module na kailangan nitong pag-aralan at sagutan.

Ngunit, hindi na maawat ang naturang bata at makikita kung gaano na ito kastress dahil sa pagsusulat at pagsagot sa kanyang mga module. Wala itong nagawa kundi ang patuloy na umiyak at magmaktol habang hinahampas ang kanyang mesa.

Ayon sa nagbahagi ng naturang larawan, 11 module o subject umano ang dapat na pag-aralan at sagutan ng nasabing bata sa loob lamang ng isang linggo. Kaya naman, ani ng mga netizen ay hindi umano nakapagtataka kung bakit ganun na lamang ang iyak ng nasabing bata sa video.

Bagama’t mayroong mga natawa sa ginawang pagmamaktol ng bata dahil gusto na nitong magpahinga sa kakasagot ng module, mayroon namang iba na nalungkot at naawa sa stress na dinaranas daw ng bata dahil sa dami ng mga dapat nitong sagutan.




Sa bagong sistema ngayon ng pag-aaral sa bansa dahil sa pandemya, sa mga bahay na lamang nag-aaral ang mga estudyante sa pamamagitan ng mga module na ibinibigay rito ng kanilang mga guro at ng paaralan.

Lingo-linggo ay panibagong hanay ng mga module ang pinag-aaralan at sasagutan ng mga estudyante na kailangan nitong matapos at maipasa sa takdang araw.

Ngunit, sa unang linggo pa lamang ng pagbubukas ng klase at pagpapatupad ng modular learning, kabi-kabila na ang mga reklamong inihahayag ng publiko dahil sa hirap raw ng sistema hindi lamang para sa mga bata kundi para na rin sa mga magulang.

Ayon sa mga ito, hindi raw sapat ang isang linggo para sagutan ng mga mag-aaral ang lahat ng mga module na ibinibigay sa mga ito. Nahihirapan din umano dito ang mga magulang dahil bukod sa hindi lahat ay may kakayahan na turuan ang kanilang mga anak, hindi rin lahat ay nakakayanang maglaan ng oras para magturo sa mga ito.

Kagaya ng bata sa naturang video, ganoon din umano ang madalas na nangyayari sa kanilang mga anak sa tuwing napapagod at nahihirapan na ang mga ito sa pagsagot sa kanilang mga module. Talagang nakapagbibigay raw ito ng stress at pressure sa mga bata na dapat matapos ang lahat ng mga sasagutang modules upang maipasa ito sa tamang oras.


Gayunpaman, sa kabila ng hirap na dinaranas ng mga magulang at mga mag-aaral, maging ang mga guro ay nahihirapan din sa pagpapatupad nila ng modular learning.


Source: Happening Philippines

No comments:

Post a Comment