Isang napakagandang surpresa ang handog ng aktres na si Dimples Romana at asawa nitong si Boyet Ahmee para sa kanilang kasambahay na itunuring na nilang bahagi ng pamilya sa loob ng 17 taon.
Isang bagong buhay na ilang taong pinag-ipunan ng mag-asawa ang kanilang ibinigay para sa kanilang ate V. Sa pinakabagong vlog na ibinahagi ni Dmples, makikita ang nakakaiyak na naging reaksyon nito at ni ate V nang sabihin na nila rito na para sa kanya ang bahay na kanilang tinitingnan.
“Si Ate V namin is one of our biggest blessings in life. Itinuring na nya kaming pamilya at pamilya na din namin sya. Kasama namin sya sa kalungkutan, kaguluhan, sa pagpupursigi at sa tagumpay. She has been with us for 17 years, opo, kasing haba na din ng taon ng pag aasawa namin ni Papa Boyet at ng pamilya namin,” pahayag pa ni Dimples tungkol sa kasambahay.
Ayon kay Dimples, sa mahigit isang dekada nang pananatili sa kanila ni ate V, kailanman ay hindi ito nagsinungaling sa kanila. Sa loob ng mga taong iyon, mayroong mga panahon na hindi nila napapaswelduhan sa tamang oras ang kasambahay dahil sa pinansyal na mga problema.
Nang mga panahong iyon ay hinayaan na nila ang kasambahay na iwan na lamang sila at ang kanilang pamilya. Ngunit, sa kabila nito ay hindi pa rin sila iniwan ni ate V at patuloy pa ring nagserbisyo sa kanila.
“Kasama na namin sya nung nagsisimula pa lang kami. Puro dasal at pangarap pa lang kami nun. Nagsisimula pa lang mag ipon.
“May mga buwan na late namin syang nababayaran ng sweldo dahil abot abot ang mga gastusin namin. I would always ask her and tell her pwede na nya kaming iwan dahil nahihirapan na kami to give her her salary, and yet through thick and thin, hirap at ginhawa, sa meron at wala, hindi nya kami iniwan.
“Hindi namin maabot ang mga pangarap namin, kung walang "Ate V" kaming kaagapay sa araw araw na pamumuhay,” dagdag pa ng aktres.
Kaya naman, upang maibalik at masuklian ang pagmamahal at serbisyo na ibinigay sa kanila ni ate V, isang bahay na matagal na nitong pangarap ang kanilang surpresa para rito. Ani pa rito ni Dimples,
“Punong puno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos, dahil ngayon, maibabalik na namin sa kanya ang lahat ng pagmamahal at taon na ibinuhos nya sa amin. Eto ang pasasalamat namin sayo Ate V. Sana nagustuhan mo.”
Maraming mga netizens naman ang hindi napigilang mamangha at maantig sa surpresang ito ng aktres sa kanilang mahal na kasambahay. Namangha ang mga ito kabutihan na ipinamalas nina Dimples at Boyet para sa kanilang ate V na hindi lamang nila itinuring na kasambahay kundi isang pamilya na rin.
Ang mag-asawa ay isa umanong halimbawa kung paano dapat na ituring ng isang amo ang kanilang mga kasama sa buhay na nagtatrabaho sa kanila ng tapat at maayos. Halimbawa ito na ang kabutihan sa kapwa ay talagang nasusuklian din ng mabuting gawa.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment