Isang trahedya ang naganap sa magkapatid na ito mula Bohol matapos nilang makuryente habang inaayos ang antenna ng kanilang WIFI. Agad pumanaw ang dalawa na nais lamang sanang mapabilis ang kanilang internet connection para sa online class.
Sa Dimiao, Bohol, tinulungan lamang ng 26 taong gulang na si Tristian Desxter Hamlag ang nakababatang kapatid sa pag-iinstall nito ng internet dish para mapabilis ang kanilang internet connection.
Ang nakababatang kapatid na si Christian Val Hamlag, 20 taong gulang, ay mayroong online class kaya nito inaayos ang kanilang internet connection o WiFi.
Ngunit, habang ginagawa ito ng magkapatid, aksidenteng natumba ang ikinakabit nilang antenna at nahulog sa isang linya ng kuryente sa kanilang lugar. Nagresulta ito sa pagkakakuryente nina Tristian at Christian kaya agad na binawian ng buhay ang mga ito.
Nangyari ang aksidente nito lamang hapon ng Martes, ika-13 ng Oktubre. Ang nakatatandang kapatid ay isa umanong seaman at nakatakda na sanang sumampa sa barako.
Ayon kay Staff Sgt. Anselmo Naive ng Dimiao Police Station, isang poste sa Barangay Limokon Ilokod ang natamaan ng antenna na ikinakabit ng magkapatid at dahilan ng pagkakakuryente ng mga ito. Ani nito sa isang pahayag,
“Natumba ang ilang gikabitan na antenna. Pagkatumba, accidentally na bag-id sa mainline na poste…
“Kadtong maguwang manakayay na unta. Kadtong manghod maoy estudyante pa. Mi tabang lang ag maguwang kay hinay og connection.”
Natumba ang kanilang ini-install na antenna. Pagkatumba, accidentally sumagi ito sa mainline na poste… ‘Yung panganay, sasampa na sana sa barko. ‘Yung nakababatang kapatid, ‘yun ang estudyante pa. Tumulong lamang dito ang panganay kasi mabagal ang internet connection.]
Dahil sa nangyaring pagkakakuryente, nagdulot ito ng pansamantalang pagkawala ng daloy ng kuryente sa lugar. Ngunit, matapos ang ilang minuto ay naibalik din naman umano ito.
Ayon sa lumabas na imbestigasyon ng mga pulis, ang internet dish o tubo raw ng antenna na ini-install ng magkapatid ay ikinabit ng mga ito sa isang puno ng talisay. Ngunit, nasagi raw nito ang linya ng BOHECO 1 kaya dumaloy sa mga ito ang nakakamatay na boltahe ng kuryente.
Agad naman umanong nadala ospital ang dalawa ngunit hindi na kinaya pa ng mga ito ang kanilang sinapit. Idineklarang dead on arrival ang magkapatid at dahilan ng pagpanaw ng mga ito ay ang 69,000 na boltahe ng kuryenteng dumaloy sa kanilang mga katawan.
Marami naman ang nanghinayang sa biglaang pagkawala ng magkapatid. Agad na nagpaabot ng pakikiramay para sa pamilyang naiwan ng mga ito ang maraming mga tao.
Ayon naman sa mga netizen, naiwasan daw sana ang aksidente kung kumuha ang dalawa ng isang propesyunal kasi hindi biro ang aksidente na nangyari na nga sa kanila. Kung mayroon umano sanang nagturo sa dalawa na delikado ang kanilang ginagawa ay hindi ito nangyari.
Bagama’t marami rin ang nag-uugnay ng nangyari sa online class, ayon sa ilan ay hindi umano dapat na isisi lamang dito ang buong nangyari.
Babala na rin umano ito sa iba na basta-basta na lamang humahawak sa mga gawaing may kinalaman sa kuryente at hindi muna komukonsulta sa mga eksperto rito.
Source: Happening Philippines
No comments:
Post a Comment